Sunday, August 11, 2024

 RPPt Quad Comm magpupulong para sa gagawing EJK, war on drugs, POGO investigation



Magpupulong ang apat na komite ng Kamara de Representantes o quad committee sa Lunes, Agosto 11, upang ilatag ang gagamitin nitong panuntunan sa isasagawang imbestigasyon kaugnay ng extrajudicial killings, war on drugs ng Duterte administration, at iligal na operasyon ng POGO.


Sa pagbubukas ng pagpupulong ay inaasahan ang welcome remark ng lead chairman na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na siyang tagapangulo ng House committee on dangerous drugs, matapos ang roll call.


Susundan ito ng opening statement nina Barbers; Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong”Gonzales Jr., Chairman Dan Fernandez ng House Committee on Public Order and Safety, Chairman Bienvenido Abante Jr. ng House Committee on Human Rights rights, at Chairman Joseph Stephen Paduano ng House Committee on Public Accounts.


Tatalakayin din ng Quad Comm ang agenda at schedule ng mga pagdinig.


Walong privilege speech at resolusyon ang ipinadala sa Quad Committee:


1. Ang privilege speech ni Gonzales noong Agosto 5 na nagpapatawag ng joint investigation sa mga isyu ng extrajudicial killings, illegal drugs at mga iligal na aktibidad


2. Ang House Resolution No. 1346 na pinaiimbestigahan ang nakumpiskang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa Mexico, Pampanga at ang P1.3 bilyon shabu na nadiskubre sa Mabalacat, Pampanga, na akda nina Gonzales at Barbers 


3. Ang House Resolution No. 1351 na nagpapatawag ng imbestigasyon sa P3.8 bilyong halaga ng shabu na naharang sa Subic Bay Freeport Zone, na akda ni Zambales Rep. Jefferson Khonghun 


4.  Ang House Resolution No. 14 na nananawagan sa Commission on Human Rights (CHR) at House committee on human rights na imbestigahan ang mga pagpatay sa implementasyon ng war on drugs ng administrasyong Duterte na akda ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Danniel Manuel 


5. Ang House Resolution No. 1847 na pinaiimbestigahan sa committee on human rights, committee on dangerous drugs, at committee on public order and safety ang drug-related extrajudicial killings sa ilalim ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte, na akda nina Reps. Arlene Brosas, France Castro, at Manuel 


6. Ang privilege speech ni Rep. France Castro noong Nobyembre 8 kaugnay ng extrajudicial killings na nangyari noong Duterte administration


7.  Motu proprio inquiry sa Philippine offshore gambling operators na isinagawa ng committee on public order and safety, at committee on games and amusements. 


8.  At ang motu proprio inquiry sa mga iregularidad sa kontratang pinasok ng lokal na pamahalaan ng Mexico, Pampanga, na pinaimbestigahan sa committee on public accounts. 


Ayon kay Barbers ang unang Quad Comm hearing ay isasagawa sa Pampanga, ang probinsya kung nasaan ang mga iligal na POGO hub, ang lugar kung saan na nadiskubre ang P1.3 bilyong shabu, at ang warehouse kung saan dinala ang P3.6 bilyong shabu.


“And all those people we invited sa POGO hearing, the likes of the mayor of Porac, the mayor of Bamban, yung acting mayor ngayon, the CIDG personnel, the PAGCOR officials, and some PNP generals, including General (Romeo) Caramat, and we will also invite maybe General (Eleazar) Mata ng Philippine National Police Drug Enforcement Group,” sabi ni Barbers.


Nang tanungin kung bakit sa Pampanga gaganapin ang pagdinig, sagot ni Barbers: “Kasi ang ano natin, mayroon pa nating witnesses na nandyan dyan malapit sa lugar na ‘yan na pwedeng humarap at pwedeng magbigay ng information. Kaya dadalhin natin ang committee dyan sa lugar na yan.”


“Kasi dun nga sa usapin ng POGO, human trafficking, torture, human rights violation at saka yung alleged drugs, eh maaring mayroon mga mag-share mga information dyan,” dagdag pa nito. (END)