Wednesday, September 21, 2022

PANUKALANG NAGTATALAGA NG MGA SAPILITAN PATNUBAY SA PAGTATATAG AT OPERASYON NG LUCs, APRUBADO

Inaprubahan ngayon Lunes ng Komite ng Higher at Technical Education ng Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamumunuan ni Rep. Mark Go (Lone District, Baguio City), ang House Bill 1581 na magtatakda ng mga sapilitang alituntunin sa pagtatayo at operasyon ng mga lokal na kolehiyo at unibersidad. 


Ang panukalang batas ay inihain nina TINGOG Party-list Rep. Yedda Marie Romualdez at Jude Acidre. 


Sa kanyang isponsorship, sinabi ni Acidre na ang mga local universities and colleges (LUCs) ay nilikha ng mga lokal na pamahalaan (LGUs), upang mabigyan ang kabataan ng akses sa kalidad ng mas mataas na edukasyon. 


“However, there appears a need to rationalize the establishment of these LUCs,” aniya. 


Ayon kay Acidre, ang panukala ay magbibigay ng isang hanay ng mga mandatoryong patnubay sa pagtatatag ng mga LUC, upang magtalaga ng pamantayan at pinagsama-samang sistema ng mas mataas na edukasyon, at magbigay ng may-katuturang direksyon sa kanilang pamamahala, pati na rin makamit ang kalidad at kahusayan sa mga larangan ng pamamahala ng paaralan, tulad ng mga pasilidad, silid-aklatan, at mga laboratoryo, kurikula, at pagtuturo, pananaliksik at serbisyong pangkomunidad gayundin ang kapakanan ng mga guro at mga di-nagtuturong tauhan. 


Aprubado din ang HB 1160 na magpapataw ng parusa sa “No permit, No exam policy” o anumang patakaran na nagbabawal sa mga mag-aaral na kumuha ng kanilang periodic o final examinations, dahil sa hindi nabayarang matrikula at iba pang bayarin sa paaralan. 


Ang panukalang batas ay inihain ni Rep. Raoul Danniel Manuel (Party-list, KABATAAN). 


Ang panukala ay naaprubahan, na napapailalim sa istilo at mga amyenda at sumasang-ayon ang Komite na higit na tumutok sa mga positibong probisyon ng nasabing panukalang, batas at hindi sa pagpaparusa sa mga institusyong pang-edukasyon. 


Inaprubahan din ng Komite ang HB 4525 ni Rep. Jose Ma. Zubiri, Jr. (3rd District, Bukidnon), na naglalayong gawing mga regular na kampus ang mga satellite na kampus ng Bukidnon State University (BSU) na nasa mga munisipalidad ng Talakag, Baungon, Libona, Malitbog, Impasugong, Cabanglasan, San Fernando, Quezon, Kitaokitao, Damulog, Kadingilan, at Kalilangan sa Lalawigan ng Bukidnon at sa mga bayan ng Alubijid, Talisayon, at Medina sa lalawigan ng Misamis Oriental, na lahat ay nasa Hilagang Mindanao.