Naghain ng panukala ang isang miyembro ng Kapulungan na humihiling na magtatag at magkaroon ng maayos na mga standard tourism signs at symbols sa bansa, upang mapabuti ang kaalaman sa kinaroroonan ng iba't ibang tourist sites. Inihain ni Rep. Kristine Alexie Tutor (3rd Dist. Bohol) ang House Bill 2048, o ang “Tourism Signs and Symbols Act of 2022.”
Aniya ang industriya ng turismo ay matagal nang naging pangunahing tagapag-ambag sa paglago at pag-unlad ng bansa, kaya noong 2018 ay lumago ang halaga nito sa P2.2 trilyon, mula sa P1.9 trilyon sa kinita noong 2017.
Dahil sa kontribusyon ng industriya ng turismo sa ekonomiya, sinabi niya na kailangan ng pamahalaan na gamitin ang turismo bilang tagapagsulong ng sosyo-ekonomikong paglago, upang makabuo ng pamumuhunan, foreign exchange, at trabaho. Nabanggit niya na sa pag-unlad ng pandaigdigang teknolohiya sa internet, parami nang parami ang mga tao na nakakabatid sa iba't ibang destinasyon ng turismo sa iba't ibang bahagi ng mundo.
“Thus, the country needs to capitalize on the movement of persons through tourism, and one way of making the Philippines a viable choice is to ensure the safety, security, and comfort of the tourists,” ani Tutor.
Ito ay maaaring makamit, aniya sa pamamagitan ng paggamit ng mga karaniwang palatandaan at simbolo na humahantong sa mga destinasyon ng turista, establisyimento, at serbisyo.
Sa ilalim ng HB 2048 ang Kagawaran ng Turismo (DOT), at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tutukuyin at magtatakda ng mga wastong pamantayan na dapat sundin hinggil sa mga palatandaan at simbolo ng turismo, kabilang ang kanilang mga titik, laki ng letra, kulay, at materyales.
Gayundin, aalisin at papalitan ng dalawang ahensya ang mga palatandaan at simbolo na hindi umaayon sa kanilang natukoy na mga pamantayan.
Ang panukalang batas ay naglalayong magpataw ng multa na P100,000 sa sinumang lalabag sa mga probisyon ng iminungkahing batas, partikular sa mga detalye at sukat na itinakda dito ng mga palatandaan at simbolo ng turismo, o naging sanhi ng pagtanggal o pagsira sa mga palatandaan at simbolo ng turismo.