Friday, April 01, 2022

SEMINAR SA KALIGTASAN AT IWAS-SUNOG, ISINAGAWA NG KAPULUNGAN

Nagsagawa ngayong Martes ang Kapulungan ng mga Kinatawan, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Lord Allan Velasco, ng seminar hinggil sa kaligtasan at pag-iwas sa sunog, upang malaman ng mga kawani, lalo na ang mga frontliners, ang wastong pagtugon oras na magkaroon ng sunog, upang mabawasan ang pinsala, pagkamatay at pinsala sa ari-arian. Ang lecture-seminar ay inorganisa ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), sa pakikipag-ugnayan sa Human Resource Management Service at Engineering Service. Sa kanyang pambungad na pagbati, binigyang-diin ni Sergeant-at-Arms PBGen. Rodelio Jocson (Ret.) ang kahalagahan ng seminar, aniya, nangyayari ang mga insidente ng sunog sa bansa, lalo na sa pagsisimula ng tag-init. “Lahat ng mga government offices, mga workplaces actually dapat nag coconduct ng fire safety training. Parang mandatory na yan sa atin na pag merong ganun na mga insidente ay agad nating maapula ang apoy,” ani Jocson. Ang mga inanyayahang tagapagsalita mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) ay sina Senior Fire Officer (SFO) 4 Sergio Montejo Jr.; SFO2 Manolito Manalo; FO3 Ma. Suzzane Torres; at FO2 Romer Nolasco Jr. Kabilang sa mga paksang kanilang tinalakay ay: ang mga batayang konsepto ng apoy, mga pangunahing pamamaraan ng pag-apula ng apoy, pag-uuri ng apoy, at kung paano humawak ng fire extinguisher, at iba pa. Samantala, sinabi ni Engineering Service Director II Engr. Vicson Painagan ang tungkol sa Addressable Fire Detection and Alarm System ng Kapulungan, habang tinalakay ni Role Bismanos ang Evacuation Plan. Nagtapos ang seminar sa pagtatanghal ng BFP sa proseso nito, sa pagtugon sa insidente ng sunog, gayundin kung paano gumamit ng fire extinguisher. Ang seminar ay isinagawa sa dalawang sesyon, isa sa umaga at isa pa sa hapon para sa dalawang batch na may 100 kalahok mula sa Legislative Security Bureau (LSB) at Maximum Security. Kabilang sa mga dumalo sa seminar ay sina: Human Resource Management Service (HMRS) Director Annabelle Hufanda, Dr. Michael Bautista ng Medical and Dental Service, at OSAA OIC Executive Director Capt. Belinda Bello (R) CSP, PhD. Kabilang sa mga HMRS training staff na naroroon ay sina Maritess Butalid-Zason, Nestor Bugarin at Teelitahros Bianka Hije.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV