Hinimok ni Deputy Speaker Mikee Romero ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na payagan nang buksan ang mga negosyo at establisimyento sa Metro Manila (NCR) sa mga fully vaccinated na mamamayan.
Sinabi ni Romero, isang kilala sa pagiging matamgumpay sa larangan ng negosyo, na nasa mahigit nang 80% na ang mga bakunado na indibiduwal sa NCR at kailangan nang buksan nang tuwiran ang ating domestic economy.
Ayon pa sa kanya, maaring ihalintulad o gawing modelo ng IATF ang Estados Unidos at posible nang back-to-normal life na ngayon. Ganito ang ginagawa ng US ngayon at malaki ang magiging tulong nito sa ekonomiya sa bansa.
Ayon sa talaan ng IATF noong ika-28 ng Oktubre, aniya, nasa 9,374,416 na indibiduwal o 95.89% na ng populasyon sa NCR ang nakatanggap ng first dose ng COVID-19 vaccine at 8,498,986 o 86.9% naman ang bakunado na.
“Ang vaccination cards ang magiging tila passport ng mga fully vaccinated na tao para makapasok sa mga establisimyento. At tulad sa US, ipatupad din ang ‘No vaccination card, no entry’,” pagtatapos ni Romero.