Ipinasa ngayong Huwebes ng Komite ng Veterans Affairs sa Kapulungan ng mga Kinatawan, na pinamunuan ni Bataan Rep. Geraldine Roman, ang Ulat ng Komite at substitute bill sa House Resolution 1873, na inihain ni TUCP Rep. Democrito Mendoza.
Ang panukala ay pumupuri sa retiradong mahistrado ng Sandiganbayan, Manuel Pamaran, dahil sa kanyang mahalagang paglilingkod sa bansa bilang isang intelligence operative ng kilusan ng mga guerilya noong ikalawang digmaang pandaigdig.
Kinilala rin sa resolusyon ang walang kapantay na kontribusyon ni Pamaran bilang Presiding Justice ng Sandiganbayan, at Pangulo ng Veterans Federation of the Philippines.
Bilang beterano, naglingkod si Pamaran nang walang pag-iimbot sa bansa, sa panahon ng kadiliman, ayon pa sa resolusyon. Naging benepisaryo siya ng Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) Educational Benefit, na kanyang ginamit upang makapag-aral ng kursong Law sa Manuel L. Quezon University.
Binanggit sa panukala na si Pamaran ay naglingkod nang walong taon bilang punong mahistrado ng Sandiganbayan, na may namumukod tangi at matapang na paghuhusga, at iba pa.
Sa idinaos na pagdinig, nagmosyon si MAGDALO Rep. Manuel Cabochan III, upang aprubahan ang resolusyon, na siya namang inaprubahan ng Komite.
Gayundin, inaprubahan ng Komite ang substitutre resolution sa HR 1912, na inihain ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, na nagpapahayag ng pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), sa kanilang pag-apruba ng paglalagay ng historical marker upang magpugay sa namayapang bayani ng ikalawang digmaang pandaigdig, at Kagay-anon Antonio Julian C. Montalvan.
Idinagdag naman bilang co-authors ng HR 1912 sina South Cotabato Rep. Shirlyn Banas-Nograles at APEC Rep. Sergio Dagooc.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV