Nanawagan sa lahat ng mga opisyal ng pamahalaan si ACT-CIS Partylist Representative Rowena NiƱa Taduran na pag-ibayuhin ang pagpapalaganap ng kaalaman at isulong ang mas organisadong pagbabakuna laban sa Covid 19 sa mamamayan.
Sinabi ni Taduran na nakakapag-papagulo lamang sa kasalukuyang sitwasyon ang mga salita kaugnay sa diumano ay pagtanggi ng mga mamamayan na magpa-bakuna.
Ayon sa kanya, hindi siya naniniwala na may massive vaccine hesitancy o pag-aalinlangan ang mga Filipino. Ang problema ay ang kakulangan ng suplay ng vaccine at ng mga vaccinator at ang proseso ng pagbabakuna ay hindi organisado.
Sinabi ng mambabatas na ang mababang bilang ng mga matatanda o priority A2 group sa pagpila para sa kanilang bakuna ay bunga ng hindi organisado at kulang ang maayos na pasilidad.
Dahil dito, iminungkahi niya ang pagba-bahay ng mga lokal na pamahalaan sa pagbabakuna lalu na sa mga senior citizens at mga may kapansanan o PWD o dili kaya ay ang pagpapatupad ng drive-thru vaccination.
“Papipilahin mo sina lolo at lola sa isang mainit na lugar para mabakunahan. Bukod sa init, hirap na yan sa matagal na pagtayo o pag-upo. Bakit hindi ang gawin ng LGU ay magbahay-bahay na sa pagsasaksak ng bakuna sa kanila para hindi na kailangang lumabas? O kaya ay ipatupad ang drive thru vaccination katulad sa Maynila, gamit ang sasakyan ng barangay na susundo sa kanila sa bahay?” ani Taduran.
Ipinanukala rin ng mambabatas na makipag-ugnayan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa mga botika sa kanilang lugar para doon isagawa ang pagbabakuna.
“We need all the help that we can get to fast track the vaccination as the Delta variant spreads in the country. Hindi kasalanan ng mga senior citizens at iba pang priority groups kung bakit hindi pa rin sila nababakunahan hanggang ngayon. Maraming nakapila para sa schedule, wala namang tumatawag sa kanila,” ayon kay Taduran.
Batay sa data ng WHO Philippines, 25% o 2.1 milyon pa lamang na mga senior citizen ang tapos na sa kanilang bakuna, na ang ibig sabihin ay may 6.4 milyon pang matatanda ang nasa malaking panganib na maging malala sakaling magkaroon ng Covid 19.
-30-