Wednesday, October 14, 2020

-240 kongresista, suportado na si Velasco

Umabot na sa 240 na mga mambabatas ang sumuporta sa liderato ni House Speaker Lord Allan Velasco mula sa 186 na boto noong Lunes.


Ito ang ibinunyag ni re-elected Deputy Speaker Michael “Mikee” Romero kahapon matapos ang panayam sa mga mamamahayag sa isinagawang special session sa Kamara.


Sinabi ni Romero na ang buong Kongreso ay nagka-isa na at ang boto para kay Speaker Lord ay lumubo na sa 240.


Idinagdag pa ni Romero na ang mga congressman mula LAKAS, Liberal Party, National Unity Party at Nacionalista Party ay sumama na sa kanila.


Matatandaang umabot sa 186 mambabatas ang bumoto kay Velasco sa isinagawang pagpupulong sa Celebrity Sports Plaza sa Quezon City noong 12 Oktubre.


Pinagtibay ang kanyang eleksyon sa isinagawang special session kamakalawa sa Kamara, dahilan para tuluyang matanggal bilang speaker si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano.


Nagsumite si Cayetano ng irrevocable resignation matapos na pormal na iluklok si Velasco.