Sunday, August 02, 2020

-Concrete barriers, dapat palitan ng mas ligtas na plastic bollard

Iminungkahi ni Quezon City Rep Anthony Peter Crisologo sa pamunuan ng Metro Manila Development Authority o MMDA na palitan ng mas ligtas na plastic bollard barriers ang kasalukuyang concrete barriers na nakalagay sa kahabaan ng EDSA para narin sa kaligtasan ng mga motorista.


Sinabi ni Crisologo na malaking sakuna ang laging naka-amba para sa mga motoristang bumibiyahe sa EDSA dahil sa mga peligrosong concrete barriers.


Katulad, aniya, ng insidenteng nangyari kamakailan lamang na kinasangkutan ng isang rumaragasang bus.


Dahil dito, nanawagan ang kongresista kay DOTr Secretary Arturo Tugade at MMDA General Manager Jojo Garcia na palitan ng mas ligtas na barriers ang mga harang na nakalagay sa EDSA at iminungkahing gamitin na lamang ang mga modern reflectorized bollards na mas durable, safe at mas manipis.


Ipinaliwanag ni Crisologo na mas mahalaga ang buhay ng mga motoristang bumabagtas sa kahabaan ng EDSA sa halip na ang halagang gagastusin para sa pagbili ng mga plastic rubberized barriers.