Tuesday, August 25, 2020

-2021 panukalang badyet ng Malakanyang, tinanggap na ng Kamara

Tinanggap ni House Speaker Alan Peter Cayetano, sa ngalan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso kahapon mula kay Budget Secretary Wendel Avisado ang panukalang Fiscal Year 2021 National Expenditure Program (NEP).

Ang panukala ay naglalaman ng P4.506 Trilyon taunang pondo para sa susunod na taon na mas mataas ng 9.9% kesa sa kasalukuyang pondo para sa taong 2020 na P4.1 Trilyon.


Sinabi ni Avisado, ang 2021 na pondo ay may temang “Reset, Rebound, and Recover, Investing for Resiliency and Sustainability,” na nakatuon sa epektibong paggasta ng pamahalaan para sa pagpapaunlad ng sistema sa kalusugan, pagtiyak sa seguridad ng pagkain, pagtatatag ng mga trabaho para sa mahihirap, pamumuhunan sa mga proyektong pangkabuhayan, pagtutok sa mga makabagong teknolohiya at pagpapaunlad ng ekonomiya sa panahon ng kahirapang idinulot ng pandemya.


Binigyang-diin naman ni Speaker Cayetano sa kangyang acceptance speech na ang 2021 budget ay mangangahulugan ng “bigger Bayanihan and bigger sign of unity.”


Sinabi ng lider ng Kapulungan na kanilang ipamamalas sa ating mga mamamayan na maaari silang maging proactive at makapaglalatag sila ng pundasyon para sa susunod na adminsitrasyon at matapos ang pandemyang idinulot sa atin ng COVID-19.”


Idinagdag pa niya na tatapusin ng Kamara ang deliberasyon sa budget bago matapos ang buwan ng Setyembre.


Medyo ambisyoso ang pagtayang ito, dagdag pa niya, subalit naniniwala daw siya sa pagkakaisa ng bansa, at umaasa na agad nila itong maipapadala sa Senado upang pinal na malagdaan sa buwan ng Nobyembre.


Ayon pa sa Speaker, mahahalagang imprastraktura ang nilalaman ng budget tulad ng mass transportation, digital, pangkalusugan, turismo at agrikultura.


Tiniyak din ni Cayetano na mamanmanang mabuti ng mga mababatas ang pondo laban sa korapsyon at katiwalian.


Samantala, umaasa naman si Minority Leader Bienvenido Abante Jr. na ang panukalang pondo ay makatutugon sa mga pangangailangan ng mga mamamayan, makakapag-paangat ng kabuhayan ng mga mahihirap at makakapamahagi ng kinakailangang imprastraktura upang makaahon ang bansa sa kahirapan.


Nanindigan naman ang Chairman ng Committee on Appropriations sa Kamara na si Rep Eric Yap na bubusisiin nilang maigi ang budget upang matiyak na pakikinabangan ito ng husto ng taumbayan.


Ayon pa kay Yap, layunin nila sa budget na ito na mapatatag ang ating ekonomiya at patuloy na mapaunlad pa ito habang nilalabanan natin ang pandemya.


Idinagdag pa ni Yap na tinatiyak nila na umpisa sa araw na ito ay magtatrabaho sila para sa budget bilang mga tunay na public servants.