Marapat nang ikonsidera ng pamahalaan ang pagtatayo ng ospital na may specialization sa paghawak at paggamot sa mga communicable o nakakahawang sakit tulad ng 2019 novel coronavirus acute respiratory disease o NCOV ARD.
Sinabi ni Quezon City Rep. Precious Hipolito Castelo na napapanahon nang magkaroon ng isang medical facility na may sapat na tauhan at equipment na tututok sa mga contagious illnesses.
Ayon kay Castelo, bagamat may kakayahan ang mga eksperto mula sa Research Institute for Tropical Medicine o RITM at mga ospital tulad ng San Lazaro Hospital, hindi sapat ang mga make shift tents na kanilang ginagamit bilang quarantine o isolation area.
Nagdudulot rin aniya kasi ito ng takot sa iba pang mga pasyente at mga staff ng naturang pasilidad bukod pa sa kapwa ito nasa Maynila na mayroong malaking populasyon.
Sa huli, iginiit ng kongresista na dapat ay itayo ang ospital sa lugar kung saan hindi gaano karami ang populasyon upang mas maliit ang tsansa na makahawa o kumalat ang sakit.