Hinimok ni House Speaker Alan Cayetano si Vice President Leni Robredo na ilatag na nito ang mga programa kontra droga matapos nitong tanggapin ang pwesto bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs o ICAD.
Sinabi ni Cayetano sa isang panyaam na mainam para kay Robredo na ngayon palang ay mailatag na niya ang kaniyang mga plano habang papasimula pa lamang ang termino nito sa ICAD nang sa ganoon ay malinawan ang mga Pilipino sa direksyon ng kaniyang pamumuno.
Payo pa ng House Speaker, para maiwasan na mag away-away ang mga member agencies ng ICAD sa mga gagawing pagbabago sa war on drugs, dapat magkaroon na siya ng direktang komunikasyon sa mga ito.
Nanawagan din si Cayetano sa ICAD na maging receptive o maging bukas sa pagtanggap sa mga suhestyon ni VP Robredo para sa ikabubuti ng kampanya.
Sa huli, sinabi ng lider ng Kamara na hangad nito ang tagumpay ni Robredo bilang kabahagi ng administrasyon sa war on drugs.