Ipinanukala ng isang bagitong mambabatas sa Kamara ang pagtatatag ng isang Senior Citizens Technology and Livelihood Center sa bawat barangay sa buong bansa upang ma-motivate at ma-encourage ang mga nakatatanda na lumahok at magpasya bilang kabahagi ng pagpapaibayo ng lipunan o national development.
Inihain ni Rep. Precious Hipolito-Castelo ng 2nd District, Quezon City, ang HB01347 na may layuning i-maximize ang mga pagsusumikap at kontribusyon ng mga senior citizen tungo sa nation building.
Sinabi ni Hipolito-Castelo na dito na umano mabigyan ng pagpupugay ng pamahalaan ang mga senior citizen sa kanilang pagsusumikap noong sila ay nasa kanilang mga productive years pa at marapat lamang umano na maigawad sa kanila ang pagkakataon upang sila ay makagawa ng mabuti sa kanilang parte bilang bahagi sa national development.
Idinagdag pa ng solon na ito na marahil ang maging tugon ng pamahalaan sa isinasaad sa Saligang Batas na nagmamando sa Estado na i-prioritize ang mga pangangailangan ng mga underprivileged at ng mga senior citizen.