Sa deliberasyon ng sab-komite na pinamunuan ni Letyte Rep Vicente Veloso,
pinahayag nito ang kahalagahan na dapat matugunan ang kakulangan ng mga court
salas na isa sa pangunahing problema ng hudikatura.
Binigyang-diin ni Veloso, dating Court of Appeals Justice, ang
kakulangan sa bilang ng trial courts ang nagiging sanhi ng pagka-antala sa
resolusyon o hatol sa mga kaso.
Kasama sa paunang pagtalakay ng sub-committee ang HB00652, na may
layuning maglikha ng karagdagang sangay ng Regional Trial Court (RTC), isang
Municipal Trial Court (MTC), at isang Municipal Circuit Trial Court (MCTC) sa
Misamis Occidental na iniakda ni Misamis Oriental Rep Henry Oaminal at
paglikha ng karagdagang sangay ng RTC sa Mountain Province, na nakapaloob sa HB00285
na ipinanukala ni Mountain Province Rep Maximo Dalog.
Samantala, ang HB03492 na akda ni Pambpanga Rep Juan Pablo Bondoc ay
layong maglikha ng tatlong sangay ng RTC sa Pampanga at HB03565 ni Zamboanga
City Rep Manuel Jose Dalipe at HB03749 ni Zamboanga City Rep Celso Lobregat na
parehong maglilikha ng apat na sangay ng RTC sa Zamboanga City.
Ayon kay Oaminal, ang chairman ng Sub-committee on Correctional Reforms,
layon ng HB00652 na maibsan ang pasanin ng mga korte at magpapabilis ang
resolusyon ng mga kaso. Layunin ng panukala na maglikha ng karagdagang sangay
ng RTC sa Ozamis City; ang gawing MTC ng Clarin ang MCTC na binubuo sa
kasalukuyan ng Munisipalidad sa Clarin at Tudela; at ang pagtatag ng isang MCTC
sakop ang mga munisipyo ng Sinacaban at Tudela, sa ikalawang distrito ng
Misamis Occidental.
Ayon kay Oaminal masikip na ang mga docket at na-aantala ang resolusyon
ng mga kaso dahil na rin sa pagtaas ng bilang krimen at inihaing kasong legal.
Ayon sa mambabatas ang kanyang panukala ay alinsunod sa panuntunan ng
estado na magbigay ng epektibong mekanismo para sa pamamahala ng hustisya.
Ipinaliwanag naman ni Dalog na ang kanyang HB00286 na layong maglikha ng
karagdagang sangay ng RTC sa munisipalidad ng Paracelis, Mountain Province ay
tiyak na tutugun sa mga usaping kawalan ng hustisya at
pagkapantay-pantay dahil na rin sa kalayuan ng pinakamalapit na RTC. Ayon
sa kanya, kailangan pang bumiyahe ng mahigit 10 oras ang may-usapin sa
kaso mula sa Paracelis, daraan sa mga probinsya ng Ifugao, Isabela, at Nueva
Vizcaya para lamang makadalo sa pagdinig sa Bontoc, Mountain Province kung saan
naroroon ang korte.
Dahil sa kalayuan ng byahe at gastusin ay nabibigong makapunta sa RTC sa
Bontoc ang mga nagrereklamo at mga testigo na nagiging dahilan ng
pagka-dismiss ng karamihan sa mga kaso ayon kay Rep Dalog.
Sa kanyang HB03492, sinabi ni Deputy Speaker Bondoc, layon nito na
maglikha ng tatlong sangay ng RTC sa Macabebe, Pampanga. Pakay nito na mapabuti
ang pagpasya at pangangasiwa ng hustisya, tiyakin ang karapatan ng akusado sa
mabilis na pag usad ng hustisya at pagtaguyod ng mahusay na serbisyo publiko.
Binigyang-diin ng mambabatas ang pangangailangang maglikha ng
karagdagang korte dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kasong
inihahain sa korte.