Thursday, February 02, 2017

Hazard Pay sa mga RTC Judge, ililibre sa buwis

Pinuri at pinasalamatan ng Pangulo ng Judges Association of the Philippines na si Georgina Hidalgo ang pagkaka-apruba sa Mababang Kapulungan ng House Bills 1551 at 3767 na iniakda nina Quezon City Reps Winnie Castelo at Compostela Valley Rep Ruwel Peter Gonzaga na naglalayong pagkalooban ng exemption sa buwis ang hazard pay ng mga huwes sa Regional Trial Courts na katumbas ng 25 porsiyento ng kanilang buwanang sahod.

Ang naturang panukala ay ipinasa ng subcommittee sa pamumuno ni Leyte Rep Vicente Veloso, chairman ng subcommittee on judicial reforms ng House justice committee, na mag-aamyenda sa kasalukuyang 20 porsiyentong exemption na iginagawad sa hazard pay at gagawin itong 25 porsiyento.

Sa paliwanag ni Castelo, batay sa datos mula 1999 hanggang 2012 ay tinatayang may 22 o dalawa taun-taon ang huwes na napapatay o pinaslang dahil sa pagtupad nila sa kanilang sinumpaang tungkulin na magkaloob ng katarungan sa mga biktima ng karahasan at iba’t ibang krimen.

Aniya, kung magpapatuloy umano ang ganitong pangyayari, lalong magkakaroon ng masamang epekto sa ating mga hukuman at malalagay sa panganib ang criminal justice system ng bansa.

Kailangang tumbasan ang delikadong tungkulin ng mga huwes gaya ng tax exemption sa hazard pay upang mahimok sa halip na panghinaan ng loob na gampanan ng patas ang kanilang resposibilidad sa pagkakaloob ng katarungan sa mga dumudulog sa hukuman.

Ayon naman kay Gonzaga ang garantiya at sapat na sahod at pagkakaloob ng hazard pay sa mga RTC judges ay isang maliit na panukala lamang subali’t mapoprotektahan nito ang personal na kalayaan ng mga hukom at kikilalanin ang kanilang malaking ambag sa bansa.

Ibinahagi ni Gonzaga ang isang salaysay na nakasaad sa “Tribute to the Fallen: A Hazard Pay by Hon. Angelo C. Perez of the RTC, Cabanatuan City, Branch 27, “ na ayon sa kanya ay ipinakikita na ang miyembro ng hukuman ay potensyal na target, pag-atake at sadyang pagpatay ng mga may galit, sama ng loob at paghihiganti ng mga akusado laban sa mga huwes. “Ang panganib at tangka na kanilang buhay ay isang malinaw na halimbawa para pagkalooban agad ng hazard pay ang mga miyembro ng hukuman,” ani Gonzaga.

Sinabi naman ni Veloso na dapat tiyakin ng pamahalaan ang 25 porsiyentong tax-free sa hazard pay ng mga hukom dahil hindi nababawasan ang panganib sa buhay ng ating mga huwes pero ang bulsa ng gobyerno ay nadadagdagan dahil sa kita sa buwis.