Wednesday, April 27, 2011

Sa kabila ng trahedya sa ComVal: pagpasa ng alternative mining bill, isinusulong

Muling iginiit ni Deputy Speaker Lorenzo Erin Tanada III ang kanyang paninindigan laban sa iresponsable at talamak na pagmimina bunsod ng trahediyang naranasan sa Compostela Valley nitong nakaraang linggo.

Sinabi ni Tanada na isang kabalintunaan na nangyari ito kasabay ng Earth Day kung kailan ipinagdiriwang ang pag-aalaga kay Inang Kalikasan, patuloy npa ring nakikita ang pagkamatay ng napakarami nating kababayan dahil sa ganitong uri ng pagmiminang nakakasira sa kalikasan at nagbibigay-daan sa kalamidad.

Si Tañada ang may-akda ng HB00206 o mas kilala bilang Alternative Mining Bill, na naglalayong ipalaganap ang makatwirang pagsaliksik, pagpapaunlad, at paggamit ng yamang mineral, kasabay ng pagtatanggol ng karapatan ng mga katutubong Filipino at mga lokal na komunidad na nasa mga lugar malapit sa mga minahan.

Hinikayat niya ang mga kapwa niyang Filipinong sumuporta sa panawagan laban sa pagkasira kalikasan at tumulong sa pagpapasa ng HB00206 sapagkat ang kasalukuyang Philippine Mining Act of 1995 ay masyadong maraming kamaliang nagbibigay-daan sa pagkasira ng kapaligiran at pagkamatay ng ating mga kababayan.

Ani Tañada, napapanahon na na sama-sama ang mga mamamayan na kumilos sa pagtitiyak na ang ganitong uri ng trahediya sa Compostela Valley ay hindi na mangyari pang muli.