Hati ang mga kongresista sa isyu kung bubuwagin o palalawigin pa ang batas na lumikha sa SK o Sangguniang Kabataan.
Iminungkahi ng Negros Oriental Rep George Arnaiz, chair ng House committee on local government, sa kanyang mga kasamahang mambabatas na magkaroon muna ng cooling period o pagpapaliban muna ng talakayan hinggil sa naturang bago pagbotohan ito hanggang sa pagtatapos ng taong kasalukuyan.
Sa siyam na panukalang batas na inihain sa Kamara, apat ang pabor na buwagin ang SK at lima naman ang pumapabor na lalo pang palakasin at repormahin ito.
Sinabi ni Valenzuela Rep Magtanggol Gunigundo, isa sa may akdang buwagin ang SK, mismong sina Pangulong Noynoy Aquino at DILG Secretary Jesse Robredo ay pumapabor din na buwagin ang nabanggit na sanggunian.
Ayon sa kanya, hindi dapat ipagkatiwala ang pondo ng publiko sa mga kabataan na nasa edad 15 at 17 na nag-uumpisa pa lamang na matuto kung ano ang resposibilidad at pananagutan.
Sa panig naman ni Kabataan partylist Rep. Raymundo Palatino, ang kailangan naman umano ng SK mula sa lehislatura ay hindi planong buwagin ito kundi ang panukalang lalo itong palakasin sa pamamagitan ng matibay na reporma at direktang magpapasak sa mga butas ng kasalukuyang batas.