Iminungkahi ni Negros Occidental Rep Jose Carlos Lacson na itapon kaagad sa dagat ang mga nakumpiskang puslit na asukal upang hindi na ito ibenta pang muli sa mga pamilihan ng mga taong mapagsamantala.
Sinabi ni Lacson na kailangang isabatas na ang HB05064 upang mapigilian na ang pagpupuslit ng asukal sa bansa at upang matulungan na mapanatiling mababa ang presyo nito.
Ayon kay Lacson, anumang paraan nang pagtatapon ng puslit na asukal na nasa pangangalaga ng customs ay isagawa basta’t testigo ang kinatawan mula sa Sugar Regulatory Administration at iba pang mga representante sa sector ng pag-aasukal.
Nakakagawa umano kaagad nang paraan ang mga walang-konsiyensyang sugar traders na maibenta sa pamilihan ang mga puslit na asukal na hamak na mas mataas na halaga kaysa sa world market price, giit pa ni Lacson.
Ayon sa kanya, napapanahon na upang bumalangkas ng isang batas ang Kongreso na magde-deklarang krimen ang magpuslit ng asukal na may katumbas na parusa sa ilalim ng batas ng bansa.
Kailangan aniyang pagtibayin ng Kongreso ang isang batas na wawakas at hahadlang sa pagpupuslit ng asukal sa bansa na nakaka-epekto sa pagkokolektang buwis ng gobyerno at sa domestic sugar production.