Ipinahayag ng isang mambabatas na batay sa ulat ng Globe Integrity 2007 at Transparency International Global Corruption 2007, isa umanong malawakang paniniwala na ang hudikatura ng bansang Pilipinas ay corrupt.
Sinabi ni Cagayan de Oro Rep Rufus Rodriguez na bagama’t kinokonsidera ang hukuman na isa sa mga haligi ng gobyerno sa kanilang tungkuling mangasiwa ng hustisya, kailangan pa rin umanong sugpuin ang korapsyon at iba pang anomalya sa kanilang hanay.
Ayon kay Rodriguez, kilala umano ang mga hukom sa pagtanggap ng suhol para lamang makapag-piyansa ang inaakusahan, kahit pinagbawalan ng batas ang magpiyansa at sa dinami-dami ng mga kaso, nagkakaroon ng suhulan sa pagitan ng akusado at abogado para lamang umusad ang kaso.
Si Rodriguez, isang dating dekano ng law school, ay nagsabing maging sa sektor ng pagnenegosyo mababa ang tingin sa sistema ng hustisya sa bansa dahil sa alegasyon ng kurapsyon.
Pagkakalooban ng pabuya at proteksyon ang sinumang maglalakas ang loob na magsumbong sa ma-anomalyang gawain ng opisyal ng hukuman, batay sa panukalang batas na iniakda ni Rodriguez.