Isinusulong ni Camarines Sur Representative LRay Villafuerte ang pag-amyenda sa 1987 Constitution sa pamamagitan ng Constitutional Convention o Con-con.
Sa House Bill 4926 o Constitutional Convention Act, sinabi ni Villafuerte na layunin nito na i-akma sa panahon ang mga probisyon ng Konstitusyon dahil marami na ang nagbago sa mahigit tatlong dekada nang mapagtibay ang 1987 Constitution.
Sa panukala, ang mga miembro ng Con-con ay ihahalal at isasabay sa eleksiyon ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections kung matutuloy sa 2023 o sa midterm elections sa 2025.
Ang Commission on Elections ang bubuo ng implementing rules and regulations ng gaganaping Con-con elections.
Ang sinumang delegado ng Con-con ay hindi maaaring maitalaga sa ibang government position habang hindi pa natatapos ang sesyon ng Con-con at isang taon mula sa plebesito sa ipatatawag para sa charter change.
Ang mga mananalong delegado ng Con-con ay bibigyan ng dalawang taon para matapos ang pagrepaso sa Saligang Batas.