Dahil sa madalas na tinatamaan ng mga kalamidad ang Pilipinas, naghain ng panukala ang mga Kinatawan ng Kapulungan, sa pagsisimula ng Ika-19 Kongreso, na tumitiyak na palaging may nakahandang mga pansamantalang kanlungan para sa mga Pilipinong biktima ng kalamidad.
Inihain nina Speaker Ferdinand Martin Romualdez, at nina Committee on Accounts Chairperson at Tingog Rep. Yedda Maria Romualdez at Rep. Jude Acidre ang House Bill 16, na magtatatag ng mga evacuation center sa bawat lungsod at bayan, na magsisilbing tirahan ng mga mamamayang lumikas mula sa kanilang mga tahanan dahil sa mga kalamidad na likas o gawa mismo ng mga tao.
Samantala, nakasaad sa tala ng paliwanag ng HB 16 na “ang paghahanap ng pansamantalang solusyon sa paglilikas ng mga pamilya sa pamamagitan ng paggamit ng mga paaralan bilang evacuation center ay dapat ng mahinto.
Wala dapat tradeoff sa pagitan ng pangangalaga ng buhay at edukasyon ng mga mag-aaral. Ang paglalaan ng sapat na mga evacuation center ay napakahalaga sa panahon ng mga sakuna.”
Upang makatipid sa mga gastusin ng pamahalaan, nakasaad sa panukala na ang mga kasalukuyan na istraktura ay maaaring paunlarin upang mabisang magsilbi bilang mga evacuation center na itatalaga bilang ganoon alinsunod sa lokal na pamahalaan.
Ang mga LGU ay magiging responsable para sa pagpapatakbo, pangangasiwa, at pamamahala ng mga evacuation center na ito.
Dagdag pa rito, tutukuyin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Public Works and Highways at Department of Science and Technology, ang mga detalye ng disenyo, pagtatantya ng gastos, at mga detalye ng pagtatayo ng mga evacuation center.
Naisumite na ang HB 16 sa Committee on Disaster Resilience upang talakayin ng mga mambabatas.