Thursday, October 28, 2021

MGA NAGWAGI SA PATIMPALAK SA PAGLULUTO, KINILALA NG KAPULUNGAN


Tinapos ngayong Miyerkules ng Kapulungan ng mga Kinatawan sa pangunguna ng Office of the Speaker ang “What’s Cooking in the House?” na patimpalak sa pagluluto sa pamamagitan ng isang seremonya ng paggawad. 


Ang kaganapan ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng HRep 2021. 


Layon ng paligsahan ang maipakita ang mga kasanayan sa pagluluto at pagkamalikhain ng mga kalahok, gayundin ang paglalaan ng pahinga sa komunidad ng Kapulungan mula sa pang-araw-araw na pisikal at mental na stress na dulot ng pandemya. 


Sa kanyang pambungad na pahayag, sinabi ni Deputy Secretary-General for the Office of the Speaker Atty. Jocelia Bighani Sipin na pinili nila ang isang patimpalak sa pagluluto, dahil ang hapag kainan ay espesyal sa pamilyang Pilipino. 


“Naisip namin na very special sa atin, sa pamilyang Pilipino, ang ating hapag kainan. At walang selebrasyon na kumpleto kung wala tayong pagsasaluhan,” aniya. 


Ipinahayag din ni Sipin na siya mismo ay nagluluto kahit walang pormal na pagsasanay sa pagluluto. 


“In fact sa akin, kung ano lang yung napanood ko sa You Tube or mga nabasang recipes, yun lang po. Ang importante, kung ano yung nilalagay natin sa ating pagluluto. At para sa akin, ang sikretong ingredient always when you cook, (is) add a pinch of love,” aniya. 


Ipinakita din sa programa ang isang video ni Sipin na naghahanda ng Low Carb Cauli Rice Sushi. 


Samantala, nagawang batiin kahit saglit lang ni Speaker Lord Allan Velasco ang mga manonood online.  


Mainit na binati ng mga opisyal at kawani ng Kapulungan si Speaker na magdiriwang ng kanyang kaarawan sa ika-9 ng Nobyembre. Nagpasalamat naman siya sa lahat – sa mga kalahok, manonood at mga bumati sa kanya. 


Hinusgahan ng mga hurado ang 15 video na lumahok mula sa iba't ibang klaster batay sa sumusunod na pamantayan: 1) Speaker's Choice 30 porsiyento (15 porsiyento para sa paghahanda at presentasyon ng pagkain, at 15 porsiyento para sa pagtatanghal ng video at pagiging malikhain); 2) Chef's Choice 30 porsiyento (paghahanda at presentasyon ng pagkain); 3) Artist's Choice 30 porsiyento (pagtatanghal ng video at pagiging malikhain); at 4) Audience's Choice 15 porsiyento (Facebook Likes), para sa kabuuang 100 porsiyento.  


Ang mga kalahok ay hiniling na magsumite ng tatlong minutong video ng pagtatanghal ng kanilang pagluluto sa ayos na mp4. Kinailangan din nilang pagtuunan ng pansin ang mga pagkain na maaaring ituring na pangunahing pagkain tulad ng manok, baboy, baka, isda at pasta. 


Kinailangan din nilang panatilihing totoo ang mga bagay at tiyaking ipinapakita ng kanilang mga video na sila talaga ang nagluluto. 


Ang mga hurado ay sina Sipin, ang mag-asawang artista na sina Jan Marini Alano at Gerard Pizarras, gayundin ang tanyag na Chef na si Rosebud Benitez-Velasco. 


Ang mga nagwagi ay sina: Unang Pwesto na may ₱20,000 na gantimpala, Christine Santos ng Legislative Information Resources Management Department (LIRMD), Chicken Pastel; Ikalawang Pwesto na may gantimpalang ₱15,000, Velenda Leuterio ng Office of the Deputy Secretary General, Engineering and Physical Facilities Department, Meaty Pasta; at Ikatlong Pwesto na may ₱10,000 na gantimpala, Myra Tuazon Fontilla ng Finance Department, Boneless Lechon Belly. 


Ang mga nakatanggap ng natatanging pagkilala ay sina: Most Appetizing Award (Chef’s Choice) Fontilla; Most Creative Award, Santos; at Audience Choice Award, Dr. Nikos Lagman ng Komite ng Labor and Employment. 


Ang lahat ng kalahok ay binigyan ng ₱1,500 at goody bags mula sa San Miguel Corporation at Delicious Special Bihon sa kagandahang-loob ni Benitez-Velasco. 


Ang mga tagapanood ay inaliw din sa mga papremyo sa raffle. Ang programa ay pinamunuan ni John Martin Rey Estrera ng Office of the Speaker. 


Ang mga nagsilbing host ng programa ay sina Lyra Jane Destriza at Neil Stephen Madrid, na pinasalamatan ang mga sumusunod upang maisakatuparan ang nasabing pagdiriwang:  Speaker Lord Allan Velasco, Secretary-General Mark Llandro Mendoza, DSG Sipin, Information and Communications Technology Service (ICTS), Institutional Information and Design Service (IIDS), Media Affairs and Public Relations Service (MAPRS), Engineering and Physical Facilities Department, at Team SLAV.


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV