Inimbestigahan kahapon ng Special Committee on Senior Citizens sa Kamara, in aid of legislation, ang pagpapatunay at proseso sa screening ng mga pensyoner na senior citizen sa ilalim ng programa ng Social Pension Program for Indigent Senior Citizens (SPPISC), kabilang na ang mga pagkaantala o kakulangan sa paglalabas ng pondo ng social pension sa mga nakatatanda.
(Ang pagsisiyasat ay batay sa House Resolution 1791 na iniakda ni Special Committee Chairman at Senior Citizens Rep. Rodolfo Ordanes at HR 65 ng pumanaw na si dating Rep. Francisco Datol Jr.)
Sinabi ni Senior Citizens Committee Chairman Rep. Rodolfo Ordanes sa kanyang pambungad na pananalita na ang kanilang mga tanggapan sa iba’t ibang lokalidad ay nakatanggap ng mga ulat galing sa mga indigent senior citizens na nagsasabing sila diumano ay unjustly at arbitrarily excluded sa talaan ng mga kuwalipikadong SPPISC recipients bagama’t sila ay nag-claim na na sila ay qualified sa ilalim ng programa.
Nanatili naman si Department of Social Welfare and Development – Program Management Bureau (DSWD-PMB) Director Wilma Naviamos, na nagbigay ng direktiba si Pangulong Duterte sa ahensya noong ika-8 ng Oktubre 2018, na magsagawa ng muling pagpapatunay ng mga kasalukuyang 3.2 milyong benepisaryo ng Social Pension mula 2018 hanggang 2019, sa pamamagitan ng paglilinis ng kanilang database.
(Kabilang sa re-validation ang paggamit ng Social Pension Beneficiary Update Form (SPBUF), na kinabibilangan ng data-cleansing, upang maiwasan ang dobleng tala, kasama na ang cross-matching sa mga databases ng Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) at Social Security System (SSS).)
Hanggang Hunyo 2021, ang kanilang sistema ay nakapag validate na ng limang milyong senior citizens.
Samantala, ipinagpatuloy rin ng Komite ang deliberasyon sa HR 656.
Sinabi ni Naviamos na nailatag na ng ahensya ang mga rebisyon sa DSWD Memorandum Circular No. 04 Series of 2019 o ang “Omnibus Guidelines for the Implementation of the Social Pension Program for Indigent Senior Citizens” para maitugma ang pagbabayad sa pensyon mula semestral tungo quarterly.
Ang isinagawang pag-aayos ay batay sa mungkahi ng Komite sa idinaos na pagdinig noong buwan ng Marso 2021.
Iniulat din ni Naviamos na sila ay nasa ikalimang dayalogo na ng konsultasyong pampubliko sa iba’t ibang National Government Agencies (NGAs), Civil Society Organizations (CSOs), Non-Government Organizations (NGOs), at mga establimyento ng negosyo upang isapinal ang mga patakaran sa statutory discounts para sa mga senior citizens at mga taong may kapansanan (PWDs), para sa pagbili sa pamamagitan ng online.
Gayundin, naglalatag na rin ng patakaran ang ahensya para naman sa partnership sa iba pang institusyong pinansyal o mga money remittance companies, upang gabayan ang kanilang mga field offices sa pagpapabilis ng distribusyon ng gawad sa social pension, lalo na ang mga nasa lugar na sakop ng mga gulo tulad ng armadong pakikibaka at mga geographically-isolated area.
Ayon pa kay Ordanes, ang HB 9459 ay nakahain na sa ikatlong pagbasa at umaasa siya sa pag-apruba nito sa Kapulunagn sa susunod na linggo.
Layon ng HB 9459 na amyendahan ang Republic Act 7432, na inamyendahan, na maggagawad ng pensyon sa lahat ng mga nakatatanda at pagbibigay-dagdag sa social pension ng mga indigent senior citizens kapag ito ay naisabatas.
#SpeakerLordAllanVelasco
#SpeakerLAV