Wednesday, July 14, 2021

-MGA PROGRAMA SA BUILD, BUILD, BUILD PROJECTS SA MINDANAO, TINALAKAY SA KAMARA

Nagdaos ng pagdinig ang Committee on Mindanao Affairs sa Kamara kahapon, na pinamumunuan ni Lanao del Norte Rep. Khalid Dimaporo, hinggil sa mga nagawa at katayuan ng ipinatutupad ng Build, Build, Build (BBB) Projects, at ang Convergence Programs sa Mindanao.


Sa ulat ni Mindanao Development Authority (MinDa) Deputy Executive Director Romeo Montenegro sa komite, sinabi niya na nakakuha ang Mindanao ng P551-bilyon o 11.69 porsyento mula sa P4.72-trilyong badyet para sa BBB Program ng Duterte Administration.


Ayon sa kanya, hindi bababa sa limang mga proyekto ng BBB ang inaasahang makukumpleto sa taong ito.


Ang mga proyektong ito ay katumbas ng P18.49-bilyon o 52.44 porsyento mula sa kabuuang P35.26-bilyong proyekto ng BBB, na target na makumpleto ngayong 2021.


Para sa 2022, inaasahan din na makukumpleto ng Mindanao ang apat na mga proyekto ng BBB, na nagkakahalaga ng P35.44-B.






“This is based on the indicated timelines for milestone accomplishment every year of these long-gestating and multi-year BBB projects,” ani Montenegro.


Bukod dito, inaasahang makukumpleto ng Mindanao ang siyam na proyekto ng BBB mula 2023 pataas, na aabot sa P274-B o 8.39 porsyento ng kabuuang P3.266-trilyon, na kabuuang mga proyekto ng BBB para makumpleto sa 2023 at higit pa.


Sa ilalim pa rin ng BBB Program, inilahad ni Department of Transportation (DOTr) Project Management Officer (PMO) Richard Villanueva ang Davao Public Transport Modernization Project (DPTMP), na may kasamang bagong konsepto na High Priority Bus System (HPBS).


Itatampok ng HPBS ang pagsasama-sama ng mga linya ng bisikleta at linya ng mga bus, isang Intelligent Transport System, mga bagong terminal, depot, paaralan sa pagmamaneho, mga bagong hintuan ng mga bus, pati na rin ang mga fleet ng mga bus.


Iniulat naman ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Director Constante Llanes Jr. sa Komite ang kanilang iba`t ibang mga programa ng convergence, tulad ng Panguil Bay Bridge, na inaasahang makukumpleto sa Disyembre 2023.


Ang iba pang proyekto sa ilalim ng DPWH ay ang Flood Risk Management para sa Cagayan de Oro River at ang pagpapatuloy ng pag-aaral sa posibleng Davao City Flood Control and Drainage Project.


Para sa DOTr Mindanao Railway Project (MRP) na Tagum – Davao - Digos Segment, sinabi ni Project Information Officer na si Chris Geonzon, na magkakaroon ng limitadong operasyon at ang target ay sa Marso 2022, na inaasahang magiging buong operasyon sa Hunyo 2023.


Kasama rin sa iminungkahing MRP ang iba pang mga segment, na kasalukuyang nasa ilalim ng isang feasibility study.


“At least with this committee meeting, we have seen the accomplishments of the Duterte Administration in terms of infrastructure. We have big ticket projects under the DPWH, which have reached roughly 80 percent that can be completed next year.


We also have big ticket projects that are 50 percent completed already, that we still need to fight for, so that Mindanao can ensure that it will be completed in the succeeding administration,” ani Dimaporo. 


#SpeakerLordAllanVelasco

#SpeakerLAV