-MGA PROBISYON SA PONDO PARA SA SUBSTITUTE BILL NG BAYANIHAN 3, APRUBADO NA SA KAMARA
Inaprubahan nang walang amyenda kahapon sa isang online hearing ng Committee on Ways and Means na pinamunuan ni Albay Rep. Joey Salceda, ang mga probisyon sa pondo na isinisaad sa Seksyon 34 at 35 ng substitute bill, sa panukalang “Bayanihan 3.”
Ayon sa Seksyon 34 ng “Bayanihan 3” substitute bill, itinatalaga ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bilang awtorisadong ahensya na maaaring magdagdag ng direktang provisional advances, na mayroon o walang interes para sa nasyunal na pamahalaan.
Gugugulin ang mga direktang advances na ito sa mga gastusin ng pamahalaan alinsunod sa batas, upang tugunan ang kalagayan ng COVID-19 sa bansa.
Samantala, ang Seksyon 35 naman ay magmamandato sa ilang government-owned and -controlled corporations (GOCCs), na inirekomenda ng Joint Executive-Legislative Bayanihan Council, na dagdagan ang pagpapadala ng mga dibidendo upang makatulong na mapondohan ang naturang panukala.
Karamihan sa panggagalingan ng pondo para sa “Bayanihan 3” ay magmumula sa umiiral na unutilized appropriations, unreleased balances at mga dibidendo mula sa GOCCs, kabilang na ang mga labis na nakolektang buwis mula sa tax at non-tax sources.
<< Home