Wednesday, October 14, 2020

-Malaking parte ng 2021 DSWD budget ay ilalaan para sa 4Ps

Tinapos na ng Kamara de Representantes ang debate sa plenaryo ng panukalang 2021 badyet ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ang mga ahensyang nasa ilalim ng kagawaran.

Iniulat ni Committee on Appropriations Vice Chairperson at Negros Oriental Rep. Jocelyn Limkaichong na P113.856-bilyon mula sa kabuuang P171.22-bilyon na badyet ng kagawaran ang inilaan para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).


Idinagdag pa ni Limkaichong na ang pagkakautang ng 4Ps sa kasalukuyan ay aabot na sa $512-milyon.


Samantala, pinaigting ng DSWD ang kanilang inisyatiba sa pamamahagi ng ayuda sa gitna ng pandemya.


Sa 14.3 milyong pamilya na benepisaryo ng pangalawang yugto ng Social Amelioration Program (SAP) ay 13.9 milyon na ang nakatanggap ng kanilang alokasyon.


Iniulat din ng mambabatas na malaking bahagi ng natipid ng kagawaran mula sa halagang P10-bilyon sa taong 2020 ay naipamahagi sa mga Pilipinong labis na ngangailangan.


Ayon kay Limkaichong, ang naiwan na P6.5-bilyon ay ni-realign para sa AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation) upang matulungan ang mga vulnerable sector.