Ipinahayag ng Philippine Olympic Committee (POC) at ng Philippine Sports Commission (PSC) sa isang pagdinig sa Kamara na isinagawa na ang paghahanda ng mga manlalaro at atletang Pilipino na lalahok sa Tokyo Olympics na naudlot dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.
Iniulat ni POC Chief of Mission for Tokyo Olympics Mariano Araneta Jr. kay Committee on Youth and Sports Development Chairman Rep Eric Martinez na ang bansa ay may kabuuang 86 na manlalaro.
Apat na atleta ay kwalipikado nang lumahok sa Tokyo Olympics at ang natitirang 82 ay naghihintay na lamang ng pagpayag ng Inter-Agency Task Force (IATF) para sa muling pagpapatuloy ng pagsasanay na kakailanganin sa international multi-sport event.
Tinatayang matutuloy na ang Tokyo Olympics sa buwan ng Hulyo taong 2021 ayon sa mga nag-organisa ng palaro mula sa Tokyo at ng International Olympic Committee (IOC).
Inaprubahan din sa nabanggit na Komite ang HB04594 na iniakda ni Rep Lucy Torres-Gomez na naglalayong magtatatag ng mga programa sa larangan ng palakasan para sa mga kabataan hanggang kanayunan na ipapatupad ng mga lokal na pamahalaan.
Samantala, inaprubahan din sa Komite ang HB06339 o ang “Young Agriprenuers Act of 2020” na iniakda ni Rep Sharee Ann Tan, na maghihikayat sa mga kabataang Pilipino na lumahok sa agrikultura at pagni-negosyo.