Kahandaan ng DepEd sa pagbubukas ng klase sa panahon ng pandemya, tinalakay sa Kamara
Tiniyak ng Kagawaran ng Edukasyon sa Committee on Basic Education and Culture sa Kamara ang kanilang kahandaan sa pagbubukas ng klase sa ika-24 ng Agosto 2020 para sa school year 2020-2021.
Ito ay ayon kay DepEd Usec Tonisito Umali sa kanyang pahayag sa isinagawang pagpupulong sa pamamagitan ng virtual hearing nitong Huwebes.
Ayon sa opisyal, umaabot na sa 22.69 milyon ang nagpatalang mga estudyante noong ika-6 ng Agosto, at 21.18 milyon dito ay mula sa mga pampublikong paaralan, samantalang 1.47 milyon naman ang nagpatala sa mga pribadong paaralan.
Idinagdag pa ni Umali na binawasan nila ang bilang ng Most Essential Learning Competencies (MELC) para sa programang K-12 mula 14,171 bago nagka COVID-19 tungo sa 5,689 MELC.
Inalam ni Marikina City Rep Bayani Fernando sa DepEd kung nagkaroon na sila ng karanasan sa pagpapairal ng distance learning modality.
Agaran namang tinugon ni DepEd Asst. Sec. Alma Torio na matagal na aniya nila itong ginagawa bago pa man nagkaroon ng pandemya ng COVID-19 sa mga mag-aaral na walang kakayahang pumunta sa mga paaralan.
Kaya’t tinitiyak niya na nakahanda ang kagawaran sa pagpapatupad ng non-face-to-face learning.
<< Home