Friday, January 31, 2020

Mahigpit na pagtutol ng Kamara sa monopolyo sa operasyon ng motorcycle taxi sa bansa, ipinahayag

Mahigpit na ipinahayag ni Manila Rep Manuel Lopez, chairman ng House Committee on Metro Manila Development ang pagtutol ng Kamara de Representantes sa monopolyo sa operasyon ng motorcycle taxi sa bansa.

Sinabi ni Lopez sa pagdinig ng komite na dapat bigyan ng pagkakataon ang ibang operators upang maging patas ang kompitisyon sa negosyo ng transportasyon.

Binigyang halaga rin ng mambabatas ang kaligtasan ng general riding public at kung ano ang aasahan ng taumbayan sa panigabong extention na tatlong buwan na ibinigay ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para sa pilot study ng Angkas, Move It at Joyride Philippines.

Pinagsusumite ni Lopez ang technical working group ng Department of Transportation ng weekly reports para sa pagtatapos ng anim na buwang pilot testing operations ng motorcycle taxis.

Iminungkahi naman ni Senior Citizens Partylist Rep Francisco Datol na ibalik at higpitan ang pagpapatupad sa motor cycle lane.

Aniya, dapat gawin itong color coding, halimbawa asul sa motorcycle, pula sa pribadong mga sasakyan, puti para naman sa senior citizen at person with disability o PWD at dilaw naman para sa mga pampublikong sasakyan.