Maghahain ng resolusyon sa Kamara si ACT-CIS Partylist Rep Nina Taduran para silipin ang mga ipinapatupad na seguridad sa mga mall.
Ito ay kasunod ng nangyaring kinasangkutang basag kotse ng lady solon sa isang mall sa Quezon City.
Ayon kay Taduran, dismayado siya sa insidente lalong lalo na sa pamunuan ng SM Centerpoint dahil sa malaking pagkukulang at kapabayaan sa insidente.
Aniya, wala man lamang cctv sa parking area at wala ding rumoronda na security para tiyakin na ligtas ang mga sasakyan ng mga nagpupunta sa mall.
Pinuna ng mambabatas ang aniya'y flawed policy ng mall na wala silang pananagutan sakali mang may damage o may mawala sa mga sasakyan kahit pa nasa lugar nila.
Malinaw umano na anti-cosumer at self-serving ang patakaran na ito ng mga malls gayong nagbabayad naman ng maayos ang kanilang mga customers.
Dahil dito, maghahain ng resolusyon si Taduran para silipin ang ganitong pamamaraang ipinapatupad sa mga malls at tiniyak na mapapanagot sa kanilang mga pagkukulang.
Matatandaan na kagabi ay na-basag kotse ang sasakyan ng kongresista habang naka-park ito sa loob ng mall kung saan natangay ang pera, laptop, alahas, ATM cards at mga IDs ng mambabatas.