Monday, September 09, 2019

Ungab: Inaprubahan na sa committee level ang 2020 General Appropriations Bill

Ipinahayag ni Appropriations Committee Chairman at Davao City Rep Isidro Ungab na aprubado na sa committee level ang 2020 General Appropriations Bill at sabay sa pagsabi ng kanyang paninidigan na walang binago o idinagdag dito.
Mabilis na lumosot sa House Committee on Appropriations ang House Bill 4228 o ang P4.1 Trillion 2020 General Appropriations bill.
Ayon kay House Appropriations committee chairman Isidro Ungab, unanimously approved ng mga miyembro ng komite ang mga probisyon na nakapaloob sa panukala.
Dahil dito ay isasalang na sa plenaryo bukas upang talakayin ang 2020 National budget kung saan mismong si Ungab ang sponsor nito.
Samantala, bagama’t nagconvene ang komite sa isang executive session, nanindigan si Ungab na walang ammendments o binago sa panukalang pambansang pondo sa susunod na taon na aniya’y ibinase pa rin sa kanilang tinanggap na National Expenditure Program o NEP mula sa DBM.
Sa huli ay umaasa si Ungab na matatapos ng kamara ang 2020 budget deliberation sa Sept. 20 bago ito isumite sa Senado.