Balak ni Anakalusugan Partylist Rep.Mike Defensor na harangin ang pondo ng Philippine Health Insurance Corp. o Philhealth para sa taong 2020 matapos ang anomalyang bumabalot ngayon sa tanggapan.
Sinabi ni Defensor na kwestyunable umano ang pagharang ng Philhealth sa Commission on Audit o COA na suriin ang 2018 benefit claims expenses nito.
Nais suriin ng COA ang All Case Rates (ACRs) transactions o ang data base na naglalaman ng lahat ng medical claims sa Philhealth noong nakaraang taon na may inilaang budget na P62.693 Billion.
Subalit sa COA report na hawak ng kongresista, nakasaad na makailang ulit na nagpaabot ng verbal at written request ang state auditor na ma-access ang buong ACRs pero walang nangyari.
Dahil dito, hinimok ni Defensor ang House Committee on Health na harangin ang pondo ng Philhealth hangga’t hindi naipapaliwanag kung paano ginastos ang benefit expenses ng kanilang tanggapan.