Ipinanukala muli ni Muntinlupa City Representative Ruffy Biazon na ibalik na ang parusang kamatayan para sa kasong drug trafficking kasabay ng panawagan na i-upgrade na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang apela ni Biazon ay kasunod sa isinagawang magkakahiwalay na operasyon ng PDEA sa isang mall at subdivision sa Muntinlupa kung saan nasabat ang pinaghihinalaang shabu na nagkakahalaga ng 1.1 billion pesos.
Sinabi ng solon na nakakabahalang umuusbong na ang sirkulasyon ng ilegal na droga sa mga exclusive subdivision kaya dapat nang repasuhin ang kanilang security measures at makipagtulungan ang mga residente.
Iginiit ng kongresista na sa kabila ng agresibong kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga ay nananatili ang problema dulot ng kawalan ng ngipin ng mga kasalukuyang batas.