Monday, April 24, 2017

Handa na Kamara de Representantes para sa pagdaraos ng AIPA

Bilang punong-abala, handa na ang Kamara de Representantes sa ika-tatlumpu’t walong ASEAN Inter-Parliamentarians Assembly (AIPA) General Assembly sa Manila na gaganapin ngayong taon na may temang “ASEAN and AIPA: Partnering for Inclusive Change.”

Kasabay ng ika-tatlumpu’t walong AIPA General Assembly ang anibersaryo ng ika-limampung taong pagkakatatag ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na gaganapin sa bansa kasunod na rin ng pagtanggap ng Pilipinas sa ASEAN chairmanship ng nakaraang taon.

Para kay Speaker Pantaleon Alvarez, tinanggap ni House Deputy Speaker at Batangas Rep Raneo Abu ang pagkapangulo sa AIPA mula kay His Excellency Mahn Winn Khaing Tann, Speaker  Pyidaungsu Hluttaw, House of Representatives ng Myanmar, pangulo ng AIPA 37th AIPA General Assembly na ginanap sa Myanmar.

Bukod sa AIPA General Assembly, gaganapin din ang AIPA Preparatory Meeting at ang ASEAN-AIPA Leaders’ Interface Meeting mula sa ika-27 hanggang ika-30 ng Abril sa Makati Shangri-la Hotel.

Sa ika-28 ng Abril, magbibigay ng kanyang mensahe si Alvarez sa   pagbubukas ng AIPA Preparatory Meeting kung saan  pipiliin ang angkop na gawain na kabilang sa draft program  at pag-aaralan naman ang draft AIPA Message.

Samantala, si Deputy Speaker at South Cotabato Second District Rep. Ferdinand Hernandez, pinuno ng delegasyon ng Philippine National Group (PNG), ang katulong ni Speaker Alvarez sa kaayusan ng talakayan para sa pagsapinal ng AIPA Message na ibibigay ng Speaker sa susunod na araw.
   
Binuo ang AIPA para suportahan at mag-ambag sa katuparan ng layunin ng ASEAN sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga bansa sa Timog Silangang Asya.

Noong 1977, naitatag ang AIPA bilang isang ASEAN Inter-Parliamentary Organization (AIPO) ng mga pinuno ng parliyamento mula sa Indonesia, Malaysia, Philippines, Singapore at Thailand na nagsipagdalo sa Third ASEAN Inter-Parliamentary Conference sa Manila.

Noong 2006, nagkasundo ang mga delegado sa 27th AIPO General Assembly sa ginanap sa Cebu City na palitan ang pangalan ng organisasyon mula sa AIPO at gawing AIPA.

Ang mga kasaping parliyamento ng AIPA ay ang Brunei Darussalam, Cambodia, Indonesia, Lao People’s Democratic Republic, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, and Vietnam.

Bilang punong-abala ng AIPA ngayon taon, ang Kamara de Representantes ng Pilipinas ang naatasang magbalangkas ng resolusyon ng komite na tatalakayin at pagkasunduan ng mga delegado ng mga kasaping estado ng AIPA.

Sa mga nakaraang taon, matibay ang kooperayon ng ASEAN at AIPA tungo sa tunay at progresibong ASEAN Community na nakabatay sa  tatlong haligi - ang ASEAN Political-Security Community (APSC), ASEAN Economic Community (AEC), at ASEAN Socio-Cultural Community (ASCC).

Si Quirini Rep Dakila Carlo Cua ang magsisilbi bilang Rapporteur sa panahon ng AIPA Preparatory Meeting.

Bilang ika-tatlumpung ASEAN Summit chairman, magbibigay ng kanyang pambungad na pangungusap si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, para sa ASEAN at AIPA Leaders’ Interface Meeting. Kasunod nito ang talumpati ni Speaker Alvarez.