Wednesday, April 19, 2017

‘Di inokupahang housing units ng mga sundalo’t pulis, iimbestigahan

Sisiyasatin ng House committee on housing and urban development kung ano ang dahilan kung bakit hindi inookupahan ng mga sundalo at pulis ang mga ipinatayong bahay ng National Housing Authority (NHA) para sa mga ito.

Napag-alaman ang aksiyong ito kay Negros Occidental Rep Albee Benitez, chairman ng nasabing komite, sa kanilang isasagawang hiwalay na imbestigasyon sa pag-okupa ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kada­may) sa mga housing units ng mga pulis at sundalo sa Pandi, Bulacan.

Sqa isang panayam, sinabi ni Benitez na sisentro ang kanilang imbestigasyon sa mga unit na hindi inokupahan ng AFP at PNP beneficiaries sa naturang housing program.

Ayon sa kanya, sa report ng Commission on Audit (COA), 8% lamang sa 57,000 housing units ang inokupahan ng mga mga pulis at sundalo.

Matagal na aniyang tapos ang mga housing unit at 74% na umano ang na-award sa mga beneficiaries o katumbas ng 40,000 units subalit 8% lang ang aktuwal na inokupahan ng mga sundalo at pulis.

Mahigit 40,000 units na umano ang awarded ngunit ang occupancy rate ay umaabot lamang walong posiyento ang na-okupahan kaya mahigit 4,000 lamang inokupahan kung kaya’t siya ay nagtataka.

Ito umano ang kanilang tututukan sa isasagawang imbestigasyon dahil kung tumira na ang may 4,000 beneficiaries, bakit hanggang ngayon ay ayaw pa ng may 36,000 iba pang benepisyaryo kung nai-award na ito sa kanila.

Baka hindi naman daw mga tunay na beneficiary ang mga nag-apply sa programa at ginagamit lamang ang mga pangalan ng pulis at sundalo.