Tuesday, January 31, 2017

* DAR, tinalikuran ang suporta sa LAD

Nagulat ang mga miyembro ng House Committee on Agrarian Reform sa desisyon ng Department of Agrarian Reform (DAR) na talikuran ang panukalang batas na naglalayong palawigin ang hangganan ng panahon sa Land Acquisition and Distribution (LAD) na bahagi ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) dahil hindi umano ito makakatulong sa problema ng mga magsasaka.

Sa isinagawang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Ilocos Sur Rep Deogracias Victor Savellano, kinuwestiyon ng mga miyembro ang nakabinbing panukalang batas na naglalayong tiyakin sana ang riyalidad ng CARP na maitaguyod ang karapatan ng mga magsasaka.

Tinanong ni Savellano ang mga opisyal ng DAR kung paano nila ipaliliwanag na hindi nila na kailangan ang panukalang batas na ito habang ang tanging dahilan para sa ganitong mungkahi ay dahil sa maraming nakabinbing kaso at ang pag-kuwestiyon ng mga land owners ng validity ng notice of coverage o petitions for coverage dahil paso na ang pagpapatupad nito.

Layunin ng House Bill 3051 na amiyendahan ang Section 30 ng Republic Act No. 9970 hinggil sa pag-iisyu ng DAR ng kalatas, pagtanggap sa boluntaryong alok para magbenta ang mga may-ari ng lupang pangsakahan at ang pagreresolba ng mga isinampang kaso sa ilalim ng Republic Act No. 6657 sa loob ng dalawang taon matapos na ito ay maisabatas.

Ang mga kalatas, boluntaryong alok para magbenta ng lupain at iba pang mga kasong nakabinbin ng dalawang taon na hindi naresolba ng kagawaran ay papayagang maresolusyonan ito kahit pa lumampas na ang dalawang taon.

Ipinaliwanag ni Dinagat Island Rep Kaka Bag-ao sa kanyang sponsorship remarks para sa House Bill 3051 na mandato ng estado na magpatupad ng mga programang pang-agraryo na nagsusulong ng mga karapatan ng mga magsasaka at mga regular na manggagawa sa bukid na walang sariling lupa, na magkaroon o magmay-ari ng pangsarili o pangmaramihan, ng mga lupang kanilang nililinang o sinasaka; at sa kaso ng mga manggagawa, ay magkaroon sila ng ka-bahagi ng kanilang ani, na malinaw na nakasaad sa Article XIII, Section 4 ng 1987 Constitution.

Idinagdag pa ng mambabatas na para maipatupad ang isang makatarungang mandato ay naging ganap na batas ang Comprehensive Agrarian Reform Law or the CARL noong taong 1988.

Sa panig ni AKBAYAN Party-list Rep Tom Villarin, isa sa mga may akda ng HB 3051, nanawagan siya sa komite para matiyak na maging ganap na batas na ang land acquisition and distribution na bahagi ng CARPER dahil inalisan umano ng karapatan ang mga magsasaka sa mga lupaing kanilang sinasaka.

Ayon pa kay Villarin, tiwala umano siya na ang DAR at ang mga magsasaka ay magkakaroon na ng kumpletong CARP sa loob ng anim na taong termino ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Idinagdag pa nito na naghintay na umano ng napakahabang panahon ang mga tao kaya’t ang mga magsasaka at kanilang pamilya ay dapat nang makinabang sa programa.

Sumang-ayon naman si Camarines Sur Rep Gabriel Bordado sa posisyon nina Bag-ao at Villarin para sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka na walang sakahang lupain.

Sinabi niya na tungkulin ng Kongreso na tulungan ang mga magsasaka lalo na sa mga karapat-dapat na magbenepisyo sa ilalim ng batas ng CARP.