Wednesday, April 27, 2011

Impeachment trial, hindi makakaapekto sa legislative function ng Kamara

Hindi umano mapababayaan ng Kamara de Representantes ang mga trabaho nito kahit na maging abala sila sa impeachment trial laban kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Tiniyak ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr, na siyang tumatayo bilang manager ng 11-man House prosecution team na lilitis kay Gutierrez, na magpapatuloy ang pagtatrabaho ng Kamara sa pagsasagawa ng imbestigasyon at pagpasa ng mga panukalang batas na kailangan ng bansa.

Aniya, hindi naman lahat ng miyembro ng Kamara ay kailangan sa impeachment trial na gagawin sa Senado.

Nais umano niya na ang Kamara ay normal na gaganap ng tungkulin nito sa kabila ng isasagawang paglilitis sa Senado at ang mga kinatawang may tungkuling gumanap ng kanilang mga atas bilang mga mambababatas ay tuloy-tuloy pa rin magta-trabaho sa Kamara.

Ayon sa kanya, ang Mababang Kapulungan ay nararapat lamang na magpatuloy ng pagganap ng legislative function nito.

Kasama sa mga pagkakaabalahan ng Kamara ang kontrobersiyal na Reproductive Health bill at ang deliberasyon ng budget para sa taong 2012.