Isinulong n Manila Rep Ma. Theresa Bonoan-David sa Kongreso na maiangat ang antas ng pamumuhay ng mga opisyal ng barangay sa pamamagitan ng karagdagang suweldo kada buwan.
Sinabi ni Boboan-David na ang dagdag na buwanang sweldo sa mga opisyal ng barangay ayon sa iminungkahi sa HB06059 ay isang paraan upang makaagapay sila sa pang-araw-araw na pamumuhay sa kabila ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, lalo na sa presyo ng pagkain at mga produktong petrolyo.
Ayon sa kanya, ang mga opisyal ng barangay ang may pinakamababang sahod kumpara sa lahat ng ahensya ng gobyerno, sa kabila ng dami at bigat ng kanilang tungkulin samantalanag nagsisilbi rin sila bilang tagapag-ugnay o tulay sa pagitan ng mga mamamayan at pamahalaan at kanilang tinitiyak na ang lahat ng proyekto ng pamahalaan ay naibabahagi sa kanila.
Sa ilalim ng HB 6059, layunin nito na taasan ang buwanang sahod ng mga opisyal ng barangay at bibigyan ang mga ito ng P1,200 na buwanang allowance o honorarium, samantalang P6,000 namn kada buwan para sa mga punong barangay.
Layunin din ng kanyang panukala na gawaran ng sapat na pagkilala at pasasalamat ang mga taong nasa likod ng bawat maunlad at tahimik na barangay dahil sila ang bumubuo at nagpapatupad ng mga batas pambarangay na siyang nagiging daan upang ang isang barangay ay maging maayos at tahimik.