Ipinahayag kahapon ni House Speaker Prospero Nograles na umaabot sa 100 panukala na naglalayong magtatag ng mga bagong national high school sa buong bansa ang naghihintay na lamang ng pinal na lagda ni Pangunlong Gloria Macapagal Arroyo upang maging ganap na batas.
Sinabi ni Nograles na kahit pa umaasa ang bawat mamamayan sa mga solusyon na makapagsasalba sa nararanasang hirap sanhi ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya ay nananatili pa rin na edukasyon ang pinakamataas at pangunahing isinusulong ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon naman kay Marikina Rep Del de Guzman, chairman ng Committee on Basic Education, ang mga gusali ng mga bagong paaralan ay magiging bahagi ng mga imprastrakturang pangkaunlaran para sa edukasyon na inaasahang magdudulot ng trabaho at pagkakakitaan sa mga manggagawang karpentero at kita sa negosyo ng mga nagbebenta ng mga materyales sa larangan ng konstruksyon.
Ipinagmalaki ng Speaker at ni Iloilo Rep at Majority Floor Leader Arthur Defensor ang komiteng pinamumunuan ni de Guzman na isa sa pinakamasipag ng komite sa Kamara sa unang regular na sesyon ng Kamara kung susumahin ang mga panukalang naipasa at inaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso.
Pinuri naman ni Defensor ang liderato ni Nograles dahil sa bukod sa 25 panukalang naisabatas na, mayroon pang 10 panukala na may pambansang kahalagahan ang naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo upang maging ganap na batas.