Thursday, September 26, 2024

Speaker Romualdez pinangunahan inspeksyon sa pantalan ng Maynila kaugnay ng mga nakatenggang imported na bigas




Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang isang on-site inspection sa Manila International Container Port (MICP) noong Miyerkules ng hapon kasunod ng mga ulat na mahigit 800 container na naglalaman ng tinatayang 23 milyong kilo ng imported na bigas ang umano'y natengga sa nasabing pantalan.


Ayon kay Speaker Romuladez ang inspeksyon ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng Kamara de Representantes na labanan ang pag-ipit at pagpuslit ng bigas upang tumaas ang presyo nito para masiguro na madaling makabili sa abot-kayang presyo ang mga Pilipino, alinsunod sa mas malawak na estratehiya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na paramihin ang lokal na produksyon ng pagkain.


"We are here to send a clear message: rice hoarding, smuggling, and other illegal activities that threaten the accessibility and affordability of our staple grain will not be tolerated," ayon pa kay  Speaker Romualdez, pinuno ng higit sa 300-kinatawan ng Kamara de Representantes. 


Kasama ni Speaker Romualdez sa isinagawang inspeksyon sa container yard sina Deputy Majority Leader Erwin Tulfo ng ACT-CIS Partylist, Rep. Edvic Yap at opisyal ng Bureau of Customs na pinangungunahan ni Commissioner Bienvenido Rubio. 


Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga ulat tungkol sa nakatenggang bigas ay nagdudulot ng pangamba ukol sa pagmamanipula ng suplay ng bigas sa merkado upang tumaas ang presyo nito at humahadlang sa layunin ng gobyerno na tiyakin ang sapat na suplay ng pagkain, lalo na sa mga sektor na higit na nangangailangan.


Nanawagan si Speaker Romualdez sa mga importer na iwasan ang paggamit ng buong 30-araw na palugit bago ilabas ang kanilang bigas, dahil ito ay maituturing na pag-iimbak at makakasama sa mga karaniwang mamimili sa pamamagitan ng artipisyal na pagpapataas ng presyo.


Ayon sa Section 1129(d) ng Customs Modernization and Tariff Act ang mga shipment ay dapat ma-claim sa loob ng 30 araw at kailangang malinaw na mabayaran ang kaukulang duties at taxes.


“Magtulungan na lang tayo imbes na mag-isip kayo na tataas yung profit ninyo at the expense ng ating consumers,” ayon kay Speaker Romualdez. 


Ayon sa  tala ng Bureau of Customs, mayroong 523 container ng imported na bigas sa kasalukuyan sa yard ng MICP, kung saan ang bawat container ay naglalaman ng 25 metrikong tonelada ng bigas, na nagkakahalaga ng P750,000 bawat container.


Ayon pa kay Romualdez, may ilang reklamo tungkol sa kakulangan ng bigas sa mga nakaraang pagbisita sa mga palengke, gayung lumalabas sa  inspeksyon na marami ang imported na bigas na mabibili.


Gayunpaman, sinabi niya na tila may ilang importer ang sinasamantala ang reglementary period bago ilabas ang kanilang mga stock, na isang taktika na nagdudulot sa pagtaas ng presyo sa pamilihan.


“Parang hoarding din ito pero ginagamit ang facilities ng gobyerno, dahil mas mura dito,” dagdag pa nito. 


Matatandaan na pinangunahan ni Speaker Romualdez ang serye ng mga inspeksyon sa mga bodega ng bigas sa Bulacan kasunod ng mga ulat tungkol sa pag-iimbak upang itaas ang presyo ng bigas.


Sinabi ni Speaker Romualdez na ang Executive Order No. 62 ni Pangulong Marcos, Jr. na nag-uutos ng pagbawas sa taripa ng mga imported na bigas ay mawawalang kabuluhan kung ang mga ito ay hindi ilalabas sa tamang oras.


Nanawagan siya sa lahat na pabilisin ang paglabas ng mga container ng bigas at tiyakin na ang sinumang indibidwal o grupo na sangkot sa ilegal na pag-iimbak ng bigas ay mananagot.


Ayon sa mga opisyal ng BOC, nakatuon ang ahensya sa mabilis na pagproseso ng mga shipment upang patatagin ang presyo at tiyakin ang tuloy-tuloy na suplay ng bigas. 


Dagdag pa nila na ang BOC ay nakatuon sa paggarantiya ng maayos at napapanahong pagproseso ng lahat ng shipment alinsunod sa mga regulasyon ng customs at handang makipagtulungan sa mga stakeholder upang lutasin ang anumang isyu.


Una na ring nagbabala ang BOC na ang mga shipment na lumampas sa 30-araw ay ide-deklara ng abandonado at maaaring kumpiskahin ng gobyerno upang i-auction o i-donate sa mga ahensya ng pamahalaan, tulad ng Department of Social Welfare and Development. (END)

———————————

Young Guns ng Kamara: VP Sara dapat mag-public apology



Dapat umanong mag-public apology si Vice President Sara Duterte sa mamamayang Pilipino dahil sa umano’y pagsisinungaling nito kaugnay ng pagpunta niya sa beach sa Calaguas Island noong Lunes ng umaga, kung saan itinakda ng Kamara de Representantes ang plenary deliberation ng panukalang pondo ng Office of the Vice President.


Iginiit ng mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes na sina House Assistant Majority Leaders Paolo Ortega ng La Union at Jay Khonghun ng Zambales na hindi katanggap-tanggap ang pagsisinungaling ni VP Duterte.


“The Vice President owes the Filipino people an explanation and an apology. This is not the kind of leadership we deserve – where the truth is hidden and lies are told to cover it up,” ayon kay Ortega, na binigyan diin na mahalaga ang tiwala ng publiko sa pamumuno sa gobyerno.


Ayon kay Khonghun, napakahalaga ng katapatan at transparency para sa mga pampublikong opisyal sa pamumuno sa pamahalaan. 


"This is conduct unbecoming of any public official, especially the Vice President of the Philippines. Honesty should be a non-negotiable trait for anyone who holds office," ayon kay Khonghun.


Dismayado rin ang mambabatas sa ipinakitang pambabalewala ni Duterte sa kanyang mga tungkulin, partikular sa deliberasyon ng panukalang budget para sa kanyang tanggapan.


Hindi rin naitagao ni Ortega ang pagkadisgusto, at labis na pagkabahala sa pagsisinungaling ni Duterte, lalo na't may kaugnayan ito sa kanyang nakaraang kontrobersyal na pahayag noong 2019 kung saan sinabi niyang ang katapatan ay hindi dapat maging isyu sa mga halalan, habang pinagtanggol niya ang kanyang mga kandidato mula sa regional party na Hugpong ng Pagbabago (HNP) na inakusahan ng dishonesty at korapsyon.


Iginiit ng mambabatas na ang ganitong uri ng paniniwala ay nakasisira sa tiwala ng publiko sa mga opisyal ng bayan, aniya; "Kung hindi tapat ang isang opisyal sa bayan, paano natin sila pagkakatiwalaan? The Vice President’s actions reflect a deep disregard for her responsibility to the Filipino people.”


Tinawag ng mga netizen si VP Duterte na “SWOH,” na sa simula ay nangangahulugang “Sara without H” na mabilis na naging “Sara without honesty” matapos ang kanyang kontrobersyal na pahayag tungkol sa katapatan.


Binigyan diin ng mambabatas na bagama’t walang sinuman ang naniniwalang may perpektong opisyal ng bansa, ang katatapatan at pananagutan ang pinakamababang inaasahan ng publiko.


“When you’re caught in a lie, the best course of action is to apologize, not to make excuses,” dagdag ni Khonghun, na hinahamon si Duterte na harapin ang mga kahihinatnan ng kanyang mga ginawa.


Lumabas ang isang police report kung saan nakadetalye ang mga pinuntahang lugar ni Duterte sa kanyang pagpunta sa Camarines Norte.


Sa kabila ng pagtanggi ng kampo ng Bise Presidente sa alegasyon, lumabas ang karagdagang mga detalye, kabilang ang mga salaysay ng mga saksi at mga post sa social media, na nagpapatunay ng kanyang presensya sa isla.


"This is about integrity. If she cannot be honest about something as simple as her whereabouts, how can we trust her on more important matters?" ayon kay Khonghun, na nagsabing ang ginawa ni Duterte ay isang paglabag sa tiwala ng publiko na nangangailangan ng agaran at tapat na paghingi ng paunmanhin.


Pinuna rin ni Ortega ang pamamahala ni Duterte kaugynay sa isyu, na binigyang-diin na ang kanyang pagtanggi na direktang harapin ang sitwasyon ay nakasasama sa institusyong kanyang kinakatawan.


“Ang pagiging bise presidente ay hindi lang tungkol sa posisyon; ito ay tungkol sa integridad at tiwala. This dishonesty tarnishes the office she holds,” ayon kay Ortega.


Binibigyang-diin ng mga mambabatas na ang mga aksyon ni Duterte ay hindi magandang halimbawa para sa iba pang mga pampublikong opisyal, na nagpapahintulot sa isang kultura ng impunity at dishonesty. 


"If we allow our leaders to get away with lying, what message does that send to the rest of the government and to the public?" ayon pa kay Ortega.


Hinimok din ng mga mambabatas si Duterte na magmuni-muni, kaugnay sa kanyang tungkulin bilang Pangalawang Pangulo at ang kalagahan nito, lalo na sa pagiging huwaran para sa mga susunod na pinuno ng bansa.  


“The Vice President should set the bar for public service, not lower it,” giit pa ni Khonghun, bilang pagpapaala kay Duterte sa bigat ng tungkulin ng posisyon na kaniyang kinakatawan.


Binigyan diin pa ni Khonghun na ang “public apology”, ay hindi lamang inaasahan kundi kinakailangan para sa tiwala ng publiko. (END)

————————————

Halaga ng pondo ni VP Sara na sinita ng COA pasok sa kasong plunder-Chairman Chua



Lagpas na sa threshold ng batas laban sa pandarambong ang halaga ng pondo ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte na sinita ng Commission on Audit (COA) dahil sa kuwestyunable umanong paggastos na iniimbestigahan ngayon ng Kamara de Representantes.


Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, chairman ng House Committee on Good Government and Public Accountability, ang isinasagawang imbestigasyon ng komite ay mahalaga upang malaman kung may iregularidad sa paggamit ng pondo ng taumbayan, at walang kinalaman sa pamumulitika.


“I must stress at this point that the sheer vastness of these potentially misused funds sets this matter apart from other instances of irregularity and disallowance – these amounts easily surpass the threshold for the crime of plunder under our laws,” ayon sa pambungad na pahayag ni Chua. 


“It is incumbent upon us, who are duty bound to ensure that our legislation and regulations are effective enough to protect the money of the people, to investigate and get to the bottom of these glaring irregularities,” dagdagp pa nito.


Partikular na binibigyan tuon ng komite ang naging paggastos sa P125 milyong confidential funds na inilaan sa OVP na ginastos lamang sa loob ng 11-araw noong 2022.


Binanggit ni Chua ang nakababahalang bilis ng paggastos sa pondo, na ayon sa liquidation reports ng OVP, ay nagdulot pa ng mas maraming katanungan sa halip na sagot,


“Paulit-ulit po at parang cinopy-paste ang liquidation ng Confidential Funds ng OVP,” pahayag ni Chua, ayon na rin sa mga dokumentong isinumite na kulang sa detalye, at minadali.


Una na ring hindi pinahintulutan ng Commission on Audit (COA) ang paggasta sa P73 milyon na bahagi ng P125 milyon, na katumbas ng 60 porsiyento ng confidential funds na inilaan sa OVP noong 2022.


Ibinunyag ni Chua na ang nalalabing P500 milyon na inilaan para sa 2023 ay kasalukuyan ding nire-review, kung saan tanging P51 milyon pa lamang ang naaprubahan ng COA. Ang mga di pagkakatugma ay nagbunsod sa komite na palalimin ang kanilang imbestigasyon sa kung paano ginamit ang mga pondo.


"Wala pang kalahating buwan, naubos na daw ang P125M," ayon kay Chua, na hindi makapaniwala na nagastos ang napakalaking pondo sa loob lamang ng maigsing panahon. 


Sa paliwanag ng OVP, ginamit ang pondo para sa surveillance sa 132 lugar noong kapaskuhan, bagama’t hindi kumbinsido ang mga mambabatas sa paliwanag na ito.


Tiniyak naman ni Chua na ang imbestitasyon ay walang kinalaman sa pulitika, kundi ang layunin lamang ay matiyak na nagagamit ng wasto ang pondo ng bayan.


“This investigation is not prompted by any motive other than a desire to make the numbers make sense,” paglilinaw pa ng mambabatas.


“What we have seen regarding the usage by the OVP of its confidential funds certainly gives this committee – and the country – cause to want to find out the facts behind this, ultimately to fulfill this august body’s mandate of crafting effective laws and legislation to protect our people’s hard-earned money,” dagdag pa nito added.


“This committee is, understandably, very alarmed at these reports implying misuse of public funds, in particular because of the astronomical, almost unimaginable amount of money involved.”


Binigyang-diin niya ang tungkulin ng mga mambabatas na pangalagaan ang buwis ng mga Filipino, lalo na sa mga kaso na may kinalaman sa confidential funds na hindi gaanong nasusuri.


"We are duty-bound to protect our people’s hard-earned money," ayon kay Chua.


Nangangamba ang komite sa kakulangan ng transparency sa kung paano hinawakan ng OVP ang kanilang confidential funds. Iginiit ni Chua na ang mabilis na pag-liquidate ng mga pondo, at ang kakulangan sa sapat na dokumentasyon, ay nagpapahiwatig na maaaring hindi nasunod ang tamang proseso. 


Binigyang-diin niya na mahalaga ang pampublikong pananagutan sa mga ganitong kaso, lalo na kung malalaking halaga ng buwis ng mamamayan ang sangkot.


"We seek to learn the truth of how public money, ang pera ng taongbayan, is being used … It is incumbent upon us who are duty-bound to ensure that our legislation and regulations are effective enough to protect the money of the people," pagdidiin pa ni Chua. (END)

———————————

Patutsada ni VP Sara na hindi pinaghintay ng 17 oras mga kongresista pinalagan sa Kamara



Pinabulaanan ng isa sa mga lider ng grupong “Young Guns” ng Kamara de Representantes ang naging pahayag ni Vice President Sara Duterte na hindi niya pinaghintay ng 17 oras ang mga kongresista sa nakatakdang plenary budget deliberations ng kanyang tanggapan noong Lunes.


“If we take note, the contents of the letter is a reiteration of the answer that they interposed even for the pre-budget deliberations,” ani 1Rider Partylist Rep. Rodge Gutierrez na ang pinatutungkulan ay ang sulat ng Office of the Vice President noong Setyembre 11 sa sponsor ng badyet nito na si Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong. 


Ang nilalaman umano ng sulat ay katulad ng laman ng sulat na ipinadala ng OVP sa House committee on appropriations na pinamumunuan ni Ako Bicolparty-list Rep. Zaldy Co, na ipinadala bago inaprubahan ng komite ang badyet ng Office of the Vice President at ipinadala sa plenaryo para sa panibagong deliberasyon.

 

“In other words, she only repeated that she is leaving it to the House to decide on the fate of her budget. However, it does not say that she will not participate with our processes,” paliwanag ng kinatawan ng 1Rider party-list.

 

“It does not say that she will not attend, it does not say that she will send an authorized representative, so I don’t think the Sept. 11 letter would be any indication of what transpired Monday. So, I don’t think we could have been prepared,” giit ni Gutierrez.


Sa isang Faceboook post, sinabi ng OVP na fake news ang sinabi ni Kabataan Rep. Raoul Manuel na pinaghintay niya ng 17 oras ang mga kongresista. Kalakip ng post ang isang pahinang sulat ng OVP kay Adiong, na natanggap nito noong Setyembre 16, nang magsimula ang deliberasyon ng plenaryo sa panukalang badyet. (END)

———————————

Speaker Romualdez nagpasalamat sa Senado sa matatag na pakikipagtulungan


Binigyang pagkilala ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Miyerkoles ang liderato ng Senado sa kanilang masigasig na pakikipagtulungan sa Kamara de Representantes sa pagsusulong ng mga prayoridad at lokal na mga panukalang batas.


Sa ginanap na press conference sa Malacañang pagkatapos ng pagpupulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang masiglang pakikipagtulungan sa pagitan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, na ang kooperasyong ito ay nagbigay-daan sa parehong kapulungan na mahusay na maipasa ang mga pangunahing panukalang batas na nagbibigay benepisyo sa pambansa at lokal na nasasakupan.


"We are most delighted under the new Senate leadership that we even have a more dynamic and proactive Senate," ani Speaker Romualdez, na ipinaabot ang pagkilala sa liderato ni Senate President Francis “Chiz” Escudero. 


Binigyang-diin niya na ang pagiging epektibo sa pagproseso ng mga prayoridad sa lehislasyon ay mahalaga sa pagtamo ng mga layunin ng administrasyon, lalo na ang mga itinakda ni Pangulong Ferdinand 'Bongbong' R. Marcos Jr.


Sinabi ni Speaker Romualdez na ang aktibong papel ng Senado sa pagpasa ng mga lokal na panukalang batas ay higit na nakatulong sa mga mambabatas ng Kamara de Representantes Kapulungan.


"We are very, very happy to see the progress and much more efficient manner in which the priority legislation for our congressmen and local bills as well as national are being undertaken," ayon kay Speaker Romualdez.


Kumpiyansa si Speaker Romualdez na ang mga pangunahing lehislasyon na itinakda ng LEDAC ay matutupad nang mas maaga pa sa nakatakdang iskedyul.


"We are confident that before the year ends we shall have finished all by December or six months in advance," ayon pa sa pinuno ng Kamara, sa pagtutulungan at dedikasyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.


Sinabi ni Speaker Romualdez ang kahalagahan ng pagpapanatili ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawang kapulungan, na binanggit na ang kooperasyon ay pagtiyak ng mabilis na pagpasa ng mga batas na may direktang epekto sa publiko.


"We are one with the Senate in fulfilling the legislative priority agenda of President Ferdinand R. Marcos, Jr.," saad pa nito.


Ayon kay Romualdez, ang malakas na pagtutulungan sa pagitan ng Senado at ng Kamara ay mahalaga upang mapabilis ang pagpasa ng mga batas na tumutugon sa mga prayoridad ng bansa at ng mga lokal na komunidad. (END)

—————————

Ginaya ni VP Sara: House panel nag-isyu ng show-cause order laban sa mga opisyal ng OVP


Katulad ni Vice President Sara Duterte hindi rin sumipot ang limang opisyal ng Office of the Vice (OVP) sa pagdinig ng Kamara de Representantes na nag-iimbestiga sa kuwestyunable umanong paggamit ng pondo ng ahensya.


Kaya nag-isyu ang House Committee on Good Government and Public Accountability ng show-cause order upang magpaliwanag sa kanilang hindi pagdalo sa pagdinig.


Ang mga opisyal na ito ay sina Undersecretary Zuleika Lopez (chief of staff), Assistant Secretary Lemuel Ortonio (assistant chief of staff), Rosalynne Sanchez (director of Administrative and Financial Services), special disbursing officer Gina Acosta, at chief accountant Julieta Villadelrey.


Kung hindi makapagbigay ng katanggap-tanggap na paliwanag o muling hindi sisipot sa pagding, maaaring ma-cite in contempt ang mga ito at maharap sa pag-aresto at pagkakakulong.


Ang pagpapalabas ng show cause order ay bunsod ng mosyon ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, ang vice chairman ng panel na inaprubahan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, chairman ng komite matapos na walang tumutol.


Sa 17 opisyal ng OVP na inimbitahan, tanging si OVP spokesperson Michael Poa, na itinalaga noong Agosto 19 ang humarap sa panel. Gayunman, sinabi ni Poa na hindi siya binigyang pahintulot ng Bise Presidente na magsalita sa ngalan ng tanggapan. 


Ayon sa committee secretariat, ilang mga opisyal ng OVP ang nakita sa paligid, subalit nawala nang magsimula na ang pagdinig.


Hindi rin dumalo si Duterte sa pagdinig, na nagpadala ng liham sa komite na may petsang Setyembre 23 upang ipaalam kay Chua na hindi ito dadalo at hinimok ang komite na itigil na ang imbestigasyon.


Ang imbestigasyon ay nag-ugat sa privilege speech ni Manila 2nd District Rep. Rolando Valeriano, na inakusahan si Duterte ng maling pamamahala sa pondo ng OVP base na rin sa natuklasan ng Commission on Audit (COA).


Una na ring nagpalabas ng Notice of Disallowance ang COA sa P73 milyong pondo na bahagi ng P125 milyon na confidential funds ng OVP noong 2022.


Natuklasan din ng COA na ang halagang ito ay iniulat na nagastos sa loob lamang ng 11 araw, mula Disyembre 20 hanggang 31, 2022, o average na P11 milyong paggastos kada araw.


Sa inilabas na Notice of Disallowance, inatasan ng COA si VP Duterte, kasama sina Acosta at Villadelrey, bilang 'accountable officials,' na ibalik ang P73 milyong pondo sa gobyerno.


Tinukoy din ng ahensya ang P500 milyong nakalaan noong 2022 at 2023, kung saan 10 porsyento lamang o P51 milyon ang na-clear nang walang isyu, habang ang malaking bahagi ng pondo na nasa ilalim ng pagsisiyasat.


Pinalawig din ng panel ni Chua ang kanilang imbestigasyon upang isama ang umano'y pagkukulang ng Department of Education (DepEd), sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, na maiparating ang ICT equipment sa mga guro at estudyante, pati na rin ang mga umano’y maling pamamahala ng mga pondo.


Nakatuon ang imbestigasyon sa hindi paggamit ng DepEd ang halos P9 bilyon mula sa P11.36 bilyong badyet nito para sa ICT equipment noong 2023, na nagresulta sa mababang utilization rate na 19.22 porsyento.


Kabilang din sa susuriin ng komite ang ulat ng COA noong 2023, na nagbunyag ng malaking kakulangan sa operasyon sa Computerization Program ng DepEd.


Binanggit sa ulat na tanging 50 porsyento lamang ng badyet para sa programa ang nagamit, kaya hindi naging matagumpay ang pagpapatupad nito. (END)

————————-

‘Nasanay’: VP Sara nawili sa paggastos ng confidential funds mula noong maging mayor ng Davao City



Nawili umano si Vice President Sara Duterte sa paggamit ng daang milyong pisong halaga ng confidential funds na nagsimula noong siya ay alkalde ng Davao City hanggang sa maupo sa Office of the Vice President.


Nabunyag ang naturang isyu sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability noong Miyerkoles na nag-iimbestiga sa maling paggamit ng Bise-Presidente sa pondo ng gobyerno partikular ang paggastos sa P500 milyong confidential fund mula 2022 hanggang 2023.


Sa pag-dinig tinukoy ni Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang pagkahilig ni Duterte sa  confidential funds na nagsimula noong kanyang panahon bilang alkalde ng Davao.


“I wish to manifest my observation that the irregularities which have been observed in the utilization of confidential fund in the [OVP] should be checked as well. With respect to the utilization of confidential fund of Davao City during those times, the Mayor is no less than our Vice President,” ani Luistro.


Ang komite na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua, ay iniimbestigahan ang umano’y alegasyon ng hindi tamang pamamahala ng bise presidente sa kaniyang pondo kasunod ng ulat ng Commission on Audit (COA).


Nagpalabas ang COA ng Notice of Disallowance para sa P73 milyon mula sa P125 milyong confidential funds na inilaan sa OVP, na ginastos sa loob ng 11 araw, mula Disyembre 20 hanggang 31, 2022 – o paggastos ng P11 milyon kada araw.


Pinuna rin ng COA ang P3 milyong confidential fund ng OVP noong 2023.


Binigyang linaw sa pagdinig ang pagkakaroon ng confidential fund ng mga lokal na pamahalaan salig sa Section 16 ng Local Government Code, na nagtatalaga ng responsibilidad sa mga LGU sa pagsusulong ng peace and order.


Ngunit giit ni Luistro, hindi naman kasama ang peace and order, surveillance o national security sa mandato ng OVP.


"Nowhere in the law or the Constitution does it say that the OVP is responsible for promoting peace and order, conducting surveillance activities, or handling matters of national security,” punto ni Luistro.


Sa kanyang interpelasyon ipinunto ni Luistro ang alokasyon ng confidential fund sa Davao City kumpara sa iba pang malalaking lungsod sa bansa kung saan noong 2022 na mayroong P460 milyon confidential fund.


Higit ito sa alokasyon sa mga highly urbanized cities gaya ng Cebu (P7.38 milyon), Manila (P120 milyon), Makati (P240 milyon), at Quezon (P75 milyon).


“Nakakapagtaka lang po kung bakit nalampasan pa ng Davao ang City of Manila, ang Makati, ang Quezon City. For Makati, Davao almost doubled the confidential fund. For City of Manila, it almost tripled the confidential fund. Ang Cebu City po was way left behind because it is only P7.38 million,” saad niya.


Idinetalye pa nito ang mga nakaraang confidential fund ng Davao na nagkakahalaga ng P144 milyon noong 2016, P294 milyon noong 2017, P420 milyon noong 2018, at P460 milyon kada taon mula 2019 hanggang 2022.


“I just wish to state for the record that while we acknowledge that the LGU is entitled to confidential fund, because under Section 16 of the Local Government Code, bahagi po ng mandato nila is the promotion of peace and order,” sabi ni Luistro


Dagdag niya: “I just wish to state for the record that during this time, 2018 to 2022, the Mayor of Davao City, I believe, is no less than the Vice President. And I wish to state for the record as well, that the confidential fund that we are discussing about the OVP, last quarter of 2022 and the first three quarters of 2023, the one in disposal, is no less than our Vice President as well.”


Pinuna rin ni Luistro ang proseso ng pagbili at liquidation ng confidential funds kumpara sa regular na pondo na aniya ay masyadong maluwag.


Ang limitado umanong dokumentasyon para sa confidential funds kabilang ang financial plan, accomplishment report, at sertipikasyon mula sa pinuno ng ahensya.


Kumpara ito sa regular na pondo na kailangan ng mas komprehensibong documentation tulad ng Memorandum of Agreement, kontrata, resibo at invoice.


Aniya, mas madali pang gastusin ang confidential funds na maaari gamitin sa supplies, renta ng safe house, at maging pagbili ng sasakyan para sa surveillance nang hindi dumadaan sa karaniwang procurement process gaya ng posting, bidding, at pagpili sa lowest bidder.


Ang patuloy aniyang paggamit ng OVP ng confidential fund at nagpapakita ng kawalan ng pangangasiwa at pagpipigil.


“The problem is that this leniency in the use of confidential funds is what leads to irregularities, prompting COA to issue notices of disallowance and prompting this Congress to conduct inquiries,” sabi niya


Dahil dito nanawagan si Luistro ng mas mahigpit na pagbabantay mula COA at iba pang ahensya sa procurement at liquidation ng confidential funds dahil sa maluwag at kakaunting rekisitos.


Nababahala ang mambabatas na ang kaluwagang ito ay maaaring magresulta sa maling paggamit at irregularidad gaya ng lumabas sa imbestigasyon sa paggamit ng OVP sa naturang pondo. (END)

—————————-

Speaker Romualdez muling tiniyak ang suporta sa priority legislative agenda ni PBBM


Muling siniguro ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez noong Miyerkoles ang suporta ng Kamara de Representantes sa priority legislative agenda ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" R. Marcos Jr. matapos ang ika-anim na pulong ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) sa Malacañang.


Sa kanyang pagharap kay Pangulong Marcos at mga miyembro ng 19th Congress, binigyang diin ni Speaker Romualdez ang mabilis na paggulong ng mga prayoridad na lehislasyon ng administrasyon at ang kahalagahan ng nagkakaisang pamahalaan para sa pagkamit ng hinahangad na pag-unlad ng bansa.


Ipinagmalaki ni Speaker Romualdez ang legislative accomplishments ng Kamara. “As of today, September 25, I am pleased to announce that the House of Representatives has approved 60 out of the 64 total LEDAC CLA priority measures.” 


“With a deep sense of gratitude to our hardworking members, I also report that the House of Representatives has approved on third and final reading 26 out of the 28 LEDAC Common Legislative Agenda priority measures targeted for passage by the end of the 19th Congress,” pagpapatuloy ni Speaker Romualdez 


Kinilala nito ang kolaborasyon sa pagitan ng Lehislatura at Ehekutibo na nagresulta sa signipikante pag-usad ng Philippine Development Plan 2023-2028 at pagsasakatuparan ng Eight-Point Socio-Economic Agenda sa ilalim ng Medium-Term Fiscal Framework.


Binigyang halaga din ni Speaker Romualdez ang pagkakaisa, kasabay ng pagkilala sa ugnayan ng Kongreso at Ehekutibo na dahilan kung bakit mabilis ang pag-usad ng mga mahahalagang panukalang batas.


Tinukoy niya sa sa 28 LEDAC priority measures, dalawa na ang naisabatas, apat ang inaasahan nang lalagdaan ng Pangulo, may apat din na ratipikado na ang bicameral committee report, may dalawa na nakasalang sa bicameral conference committee, habang may 14 na passado na sa Kamara at dalawa na lang ang tinatalakay sa komite.


“During the previous LEDAC full council, I reported that the House of Representatives had approved three months ahead of schedule all 20 of the LEDAC CLA measures targeted for passage by June 2024,” sabi ni Speaker Romualdez


“In a similar vein, we are targeting a 100% completion rate of these 28 priority measures by December 2024, or 6 months ahead of the end of the Third Regular Session,” dagdag niya


Kasabay nito ay binigyang importansya rin ni Speaker Romualdez ang nalalapit na pagpapatibay sa General Appropriations Bill (GAB) sa taong 2025. 


Nangako siya na aaprubahan ng Kamara ang GAB sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa iisang session day na nagpapakita ng kahalagahan nito kaya nagtrabaho ang Kongreso para sap ag-apruba ng pambansang pondo sa tamang oras.


“Last Monday, plenary deliberations on the bill began at 10am and went well into the wee hours of Tuesday morning, ending at 2:56 am,” sabi niya


“Yesterday (Tuesday), we received communication from His Excellency certifying to the urgency of the passage of the 2025 GAB. The House of Representatives commits to approve the FY 2025 General Appropriations Bill on second and third reading by today’s session, before we adjourn for the October recess,” dagdag ni Speaker Romualdez.


Pinasalamatan din niya ang mga kasamahan sa kanilang masigasig na pagta-trabaho na nakatulong para umusad ang 26 sa 28 LEDAC priority bills sa ikatlo at huling pag-basa.


Ipinangako ni Speaker Romualdez na magpapatuloy ang pagtatrabaho ng Kamara upang masigurong lahat ng LEDAC measures ay maaprubahan sa itinakdang legislative deadline. (END)

————————-

Sobre na pinaglagyan ng perang padala ni VP Sara isinumite sa Kamara


Isinumite ni retired Department of Education (DepEd) Undersecretary Gloria Jumamil Mercado sa House Committee on Good Governance and Public Accountability ang siyam na sobre na pinaglagyan ng perang ipinadala umano sa kanya ni Vice President Sara Duterte.


Ipinakita ni Mercado ang mga miyembro ng komite ang sobre na bawat isa ay may nakasulat na “HoPE”, na aniya’y naglalaman noon ng tig-P50,000, o kabuuang P450,000. Ang HoPE ay nangangahulugang head of procurement na dating puwesto ni Mercado.


Sinabi ni Mercado na nakatanggap ito ng sobre buwan-buwan mula ng maging HoPE. Siya ay tumagal sa puwesto ng siyam na buwan bago sinabihan na mag-resign.


Ibinigay ni Mercado ang sobre sa komite matapos ang press conference ni Duterte kung saan sinabi nito na siya ay isang “disgruntled former employee" na sinibak umano dahil sa paghingi ng P16 milyong donasyon mula sa pribadong sektor.


“Kasi ang sakit naman noon. Ordinaryo lang akong trabahante, tapos inaano ka ng Vice President. It’s very painful," ani Mercado sa pagtatanong ni House Deputy Majority Leader at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.


Sinabi ni Mercado na hindi pera kundi kagamitan na nagkakahalaga ng P16 milyon ang hininging donasyon ng isa sa mga ahensya ng DepEd para sa isang proyekto ng ahensya.


“There was no money involved there. These are equipment donations, not cash,” paglilinaw nito.


Kuwento ni Mercado hindi nito binuksan ang mga sobre habang siya ay nasa DepEd at inipon ito sa kanyang opisina. Natuklasan lamang umano nito kung ano at magkano ang laman ng buksan niya ang sobre matapos ang kanyang pagreretiro.


Ang nasabing salapi ayon kay Mercado ay idinonate niya sa non-government organization (NGO). Ibinigay din nito ang resibo ng donasyon sa komite bilang ebidensya. 


Sa kanyang testimonya, inihayag ni Mercado na buwan-buwan siyang nakatanggap ng sobre mula Pebrero hanggang Setyembre 2023 mula kay Assistant Secretary Sunshine Fajarda, na umano'y mula kay VP Duterte. 


Si Mercado, ay nagbitiw sa tungkulin noong Oktubre 2023, dahil sa pressure na gumawa ng mga desisyon na labag sa mga itinatag na proseso at procurement regulation.


Ang pagsusumite ng mga sobre ay bahagi ng pagsisikap ni Mercado na linisin ang kanyang pangalan sa gitna ng mga akusasyon na ginawa ng Bise Presidente. (END)

—————————-

Mga lider ng Kamara nagkasundo na bawasan badyet ng OVP


Nagkasundo ang mga lider ng iba’t ibang partido sa Kamara de Representantes na bawasan ang panukalang badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa susunod na taon.


Pero hindi binigyan ng zero budget ang OVP na panukala ng ilang kongresista upang maipagpatuloy pa rin nito ang pagseserbisyo at hindi maapektuhan ang suweldo ng mga empleyado.


Ang OVP ay bibigyan ng P733 milyong badyet, mas mababa sa P2.03 bilyong pondo na hinihingi nito matapos na tumanggi si Vice President Sara Duterte na sagutin ang tanong ng mga mambabatas kaugnay ng ginawa nitong paggastos sa inilaang pondo at sa hinihingi nitong pondo para sa 2025.


“Bilang Speaker, nauunawaan ko ang mga sentimyento ng ilang kasamahan ko sa Kongreso tungkol sa hindi pagdalo ni Vice President Sara Duterte sa mga deliberasyon ng plenaryo para sa badyet ng kanyang tanggapan,” ani Speaker Romualdez. 


“Tatlong beses siyang inanyayahan, ngunit hindi siya sumipot. Bilang mga kinatawan ng sambayanan, umaasa kami na tutuparin ng lahat ng opisyal ng gobyerno ang kanilang mga tungkulin, lalo na kung ang usapan ay tungkol sa pambansang badyet,” dagdag pa nito.


Umapela si Speaker Romualdez sa mga lider ng iba’t ibang partido sa Kamara na kausapin ang kanilang mga miyembro na pumayag na ibaba sa P733 milyon ang pondo ng OVP sa halip na bigyan ng mas mababa pa.


“May ilang miyembro ng Kongreso na nagmungkahi na bawasan pa ang badyet ng Office of the Vice President, at ang iba pa ay nagpanukala na gawing zero ang pondo ng tanggapan dahil sa kanyang hindi pagsipot,” paliwanag ng lider ng Kamara.


“Ngunit tinanggihan ko ang mga mungkahing ito. Naiintindihan ko ang mga pagkadismaya, pero naniniwala ako na mahalaga pa ring magkaroon ng sapat na badyet ang Office of the Vice President para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito.


“Mahalaga pa ring magkaroon ng sapat na badyet ang Office of the Vice President para magpatuloy sa paglilingkod sa ating mga kababayan,” sabi pa nito.


Ang pondong inilaan sa OVP ay katulad ng pondo na ibinigay dito noong si dating Vice President Leni Robredo pa ang nasa puwesto.


“Ang magiging badyet para sa OVP ay P733 milyon na halos kapareho ng badyet noong panahon ni Vice President Leni Robredo. Kasama na dito ang P30 milyon na makakatulong sa pagharap ng OVP sa epekto ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin,” saad pa ng lider ng Kamara.


Ang inalis na pondo ay ililipat sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at the Department of Health (DOH). 


“Mas mainam na ang mga serbisyong ito ay pamahalaan ng mga ahensyang mas sanay at may kakayahan,” paliwanag ni Speaker Romualdez.


Upang maipagpatuloy ang serbisyong ibinigay ng OVP, maaari nitong i-refer sa DOH at DSWD ang mga benepisyaryo ng programa nito.


“Ang ilan sa mga pondo na orihinal na hiningi ng OVP ay ilalagay sa mas angkop na mga ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Health (DOH). This will rationalize the budget of the OVP,” sabi ni Romualdez.


“Maaaring mag-refer si Vice President Duterte ng mga taong lumalapit sa kanyang tanggapan para sa kaukulang tulong sa nasabing mga ahensya,” dagdag pa nito. (END)

——————————

Speaker Romualdez pinangasiwaan panunumpa ng kinatawan ng Akbayan



Pinangasiwaan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panunumpa bilang miyembro ng Kamara de Representantes ni Percival Cendaña, bilang kinatawan ng Akbayan Citizens Action Party.


Si Cendaña ay nanumpa sa plenaryo ng Kamara bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso para sa mahigit isang buwang break, at kasunod ng pag-apruba sa ikatlo at huling pagbasa ng panukalang P6.352-trilyong badyet para sa 2025.


Nakapasok ang Akbayan sa listahan ng mga nanalo sa 2022 party-list elections matapos na tuluyan ng malaglag ang An Waray party-list.


Si Cendaña ay sinamahan ng kanyang pamilya at mga kaibigan nito gaya ni dating Rep. Loreta “Etta” Rosales, dating kinatawan at chairperson ng Akbayan.


Alinsunod sa Section 7, Article 6 ng Philippine Constitution, si Cendaña ay mauupo hanggang sa Hunyo 30, 2025.


Si Cendaña ay naging Commissioner ng National Youth Commission mula 2011 hanggang 2016 at naging pangulo ng Babaylanes, Inc., isang prominenteng NGO sa University of the Philippines. 


Siya ay nagsilbing Student Council Chairperson sa UP Diliman noong 1997 at chief of staff ni dating Akbayan Rep. Arlene “Kaka” Bag-ao, na naging gubernador ng Dinagat Islands. (END)

————————

Speaker Romualdez kinilala kontribusyon ng Kamara sa pag-unlad ng ekonomiya: PH isa sa best performer sa Asya



Kinilala ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Kamara de Representantes sa kontribusyon nito sa pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.


“I congratulate you all, not only for your tremendous understanding of the country’s development goals and priorities, but most importantly, for translating these goals and priorities to deliver tangible and beneficial changes to our constituents,” ani Speaker Romualdez sa kanyang mga kasamahan bago nag-adjourn ang sesyon.


“We remain true to our objective to pursue an agenda for prosperity, and enable every Filipino to directly experience and equitably share in the gains brought by our collective and solid efforts,” sabi pa nito.


Sinabi ni Speaker Romualdez na ang prayoridad palagi ay ang paglikha ng makabuluhang panukala upang mapa-angat ang estado ng buhay ng ordinaryong Pilipino, maparami ang suplay ng pagkain at maparami ang mapapasukang trabaho.


“We matched our words with actions, and we shall persist in our endeavors to attain significant progress,” sabi ni Speaker Romualdez.


Binanggit ni Speaker Romualdez ang ulat ng NEDA na nakapagtala ng 6.3% paglago ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa ikalawang quarter ng taon, mas mabilis sa 5.8 porsyento na naitala sa unang quarter ng taon.


“This significant development brings our real GDP growth to six percent for the first half of the year, keeping us on track to achieve our target growth rate of 6 to 7 percent for 2024,” ani Speaker Romualdez.


“We are on our way as one of Asia’s best-performing major emerging economies,” dagdag pa nito.


Sinabi ni Speaker Romualdez na ang Pilipinas ay pumapangalawa sa Vietnam, na nakapagtala ng 6.9% paglago, pero nauna sa Malaysia (5.8 porsyento), Indonesia, (5.1 porsyento), at China (4.7 porsyento).


Inamin naman ni Speaker Romualdez na nananatiling hamon sa paglago ng ekonomiya na maramdaman ito ng nakararaming Pilipino.


“We could only claim genuine victory over our nation’s challenges when every filipino benefits from the outcome of our legislative performance and the impact resonates in their lives,” sabi pa nito.


Ipinaalala ni Speaker Romualdez ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang mga kapwa mambabatas kaugnay ng paglago ng ekonomiya.


“Mahigpit ang paalala sa atin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.: Aanhin natin ang magandang numero sa ekonomiya kung gutom pa rin ang mga Pilipino? Aanhin natin ang pag-unlad kung hindi naman ito pakikinabangan ng ordinaryong mamamayan?” sabi pa nito.


Sinabi ni Speaker Romualdez na unti-unti na ring bumababa ang presyo ng pagkain partikular ang bigas na kanyang nakita sa kanyang pagbisita sa tatlong malalaking palengke sa Metro Manila kamakailan.


Ang pagbaba ng presyo ng pagkain ay indikasyon umano na epektibo ang mga pagbabagong ipinatupad ng administrasyon.


“With the impending approval of the amendments to the Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, we expect better and more stringent policies to further reduce the prices of our agricultural products,” saad ng lider ng Kamara.


Nagpasalamat naman si Speaker Romualdez sa kanyang mga kasama sa magandang performance ng Kamara gayundin sa pagbabantay ng pondo ng taumbayan.


“You have consistently displayed enthusiasm, fairness, and thorough scrutiny of the budget which led to the prompt approval of the 2025 general appropriations bill on third and final reading,” wika pa nito.


“Nagawa natin ang trabaho para busisiin ang 2025 national budget. Natapos natin ito sa takdang oras. Kahit abutin ng umaga, hindi tayo tumigil para masiguro na nagawa natin ang ating tungkulin,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.


Sa pag-apruba ng panukalang badyet, sinabi ni Speaker Romualdez na handa ang gobyerno upang pondohan ang mga mahahalagang programa at proyekto na pakikinabangan ng mga Pilipino.


“We must invest more in building infrastructure, promote human and social development, restore our ecosystems, protect the environment, adopt new technologies and innovations, and achieve sustainable development,” saad pa ni Speaker Romualdez.


Iginiit naman ni Speaker Romualdez ang kahalagahan na mapanatili ang magandang performance ng Kamara. (END)

—————————

Mga kriminal walang puwang sa lipunan— Speaker Romualdez



Ipinagmalaki ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang naging desisyon ng Kamara de Representantes na buohin ang quad committee upang imbestigahan ang koneksyon ng bentahan ng iligal na droga, Philippine offshore gambling operators (POGOs), extra-judicial killings at mga paglabag sa karapang-pantao noong administrasyong Duterte.


“This investigation is a crucial step toward the creation of a blueprint for the formulation of legislative solutions to uphold the rule of law,” ani Speaker Romualdez, lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.


“Criminals have no place in our society and we are leaving no stone unturned to preserve the peace and security in our country,” deklara ni Speaker Romualdez.


“Inuulit ko: walang puwang ang mga kriminal sa ating lipunan. Hindi natin papayagan na mag-hari ang mga panginoon at alagad ng kadiliman at kasamaan sa ating bansa,” dagdag pa nito.


Bukod sa pagpasa ng mga panukalang batas, sinabi ni Speaker Romualdez na ginampanan ng Kamara ang mandato nito na magsagawa ng mga pagdinig.


“Hindi lamang tayo gumawa ng mga batas para sa bayan; naging bantay din tayo ng taong bayan para sa kanilang kapakanan,” giit pa nito.


“Tuloy-tuloy ang ating ginawang imbestigasyon para direktang tugunan ang mga suliranin sa araw-araw na buhay ng mga kapwa nating Pilipino,” dagdag pa nito.


Ang quad committee ay binubuo ng Committees on dangerous drugs, public order and safety, human rights, at public accounts.


“The congressional-wide inquiry - now popularly known by our people as the Quad Com - aims to uncover the truth, identify the perpetrators of those illicit activities, obtain justice for the victims and their respective families, and most importantly, to ferret out the deficiencies and flaws in our existing laws, and legislate appropriate remedies,” sabi pa nito.


Ang pagbuo ng quad committee ay bunsod ng inisyatiba ni Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr.


Ayon kay Speaker Romualdez sa kabuuang 64 na prayoridad na panukala na nakalinya sa common legislative agenda para sa 19th Congress, naaprubahan na ng Kamara ang 60 panukala.


Sa 60, 20 ang naisabatas na kasama ang Magna Carta of Filipino Seafarers, at apat ang para sa konsiderasyon ng Pangulo— ang Anti-agricultural Economic Sabotage Act, value added tax on digital transactions, Academic Recovery and Accessible Learning Program Act; at Philippine Self-reliant Defense Posture Program Act.


Sa 28 prayoridad na panukala ng Legislative-Executive Development Advisory Council na maipasa ngayong 19th Congress, sinabi ni Speaker Romualdez kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtapos na ng Kamara ang 26.


“We will aim for a 100-percent completion by end of December 2024 or six months ahead of its intended target,” sabi pa ng lider ng Kamara. “Sa madaling salita, tapos natin ang lahat ng trabaho na napagkasunduan kasama ang Palasyo at ang Senado bago matapos ang taong kasalukuyan.”


“Dahil sa ipinakita ninyong kasipagan at dedikasyon sa trabaho, ipina-abot ko po ang taos-pusong pasasalamat sa inyong lahat,” dagdag pa nito. “This chamber also continued heeding the call of our people in the countryside and made remarkable strides in addressing their immediate concerns.”


Ayon kay Speaker Romualdez marami ring panukalang naipasa ang Kamara para sa pagtatayo ng mga eskuwelahan, mga ospital, ecotourism sites at pagtatayo ng mga extension office ng iba’t ibang ahensya.


Nagpasalamat si Speaker Romualdez sa kanyang mga kapwa mambabatas, sa secretariat at congressional staff, “for a job well done.”


“This House of the People - composed of dedicated public servants - has demonstrated their tireless efforts to strengthen the philippine economy, broaden the range of public service, and reinforce the nation’s trust in our governance,” sabi nito.


“Muli nating pinatunayan na ang malaking kapulungan na ito ay institusyon ng aksyon at pagbabago. Sa bawat batas na ipinasa natin, hindi lamang mga salita ang binitawan natin. Ipinakita natin ang konkretong solusyon para sa pangangailangan ng bawat Pilipino,” dagdag pa ng lider ng Kamara.


Hinamon ni Speaker Romualdez ang kanyang mga kasamahan na ipagpatuloy ang masigasig na pagtatrabaho para sa mga Pilipino. (END)

—————————-

Kamara inaprubahan panukalang P6.352T badyet para sa 2025



Matapos ang dalawang linggong deliberasyon sa plenaryo, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukalang P6.352 trilyong badyet para sa susunod na taon.


Ang 2025 General Appropriations Bill o House Bill 10800 ay inaprubahan sa botong 285 pabor at tatlong tutol sa sesyon ng Kamara Miyerkoles ng gabi.


Ang pangangailangan na agad aprubahan ang HB 10800 ay sinertipikahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya naipasa ito ng Kamara sa ikatlong pagbasa sa kaparehong araw na naaprubahan ito sa ikalawang pagbasa.


Iginiit ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang kahalagahan na agad na maaprubahan ang panukalang badyet sa oras ng hindi isinasakripisyo na masuri ito.


Ayon sa lider ng Kamara ang pag-apruba ng badyet sa oras ay magbibigay ng sapat na oras sa Senado upang maipasa ang panukalang badyet bago matapos ang taon.


“We have sufficient time to finally agree on the budget before yearend. It is the most important piece of legislation Congress passes every year,” sabi nito.


Dagdag pa ni Speaker Romualdez: “Next year’s spending legislation will serve as our tool for sustained economic development. It will support the Agenda for Prosperity programs of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr.” (END)

——————————-

Sara Duterte nag-aabot ng pera sa mga opisyal ng DepEd— ex-DepEd Usec


Bakit namimigay si Vice President Sara Duterte ng P50,000 kada buwan sa mga procurement official ng Department of Education (DepEd) noong siya ang namumuno sa ahensya?


Ito ang tanong ng mga kongresista matapos mapakinggan ang testimonya ni dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado sa harap ng  House Committee on Good Government and Public Accountability, na pinamumunuan ni Manila 3rd District Rep. Joel Chua. 


Iniimbestigahan ng komite, para makalikha ng angkop na batas, ang umano’y maling paggamit ng Office of the Vice President (OVP) ng milyon-milyong pondo nito.


Kasama sa sinisiyasat ng komite ang paggamit sa pondo ng DepEd mula 2022 hanggang 2024 noong kalihim pa nito si Vice President Duterte. 


“Between February 2023 and September 2023, I received a total of nine (9) envelopes labeled 'HoPE', my concurrent position in DepEd during that time. These envelopes were handed to me monthly by Assistant Secretary Sunshine Fajarda, which she says came directly from the office of Vice President Sara Duterte," paglalahad niya. 


"(G)aling kay VP, is what she would typically say as she hands the envelopes. It would appear that I received these envelopes by virtue of my office as HoPE. Atty. Sunshine Fajarda is the wife of Edward D. Fajarda who is the Special Disbursement Officer," sabi pa niya. 


Sa loob ng apat na dekada, nagsilbi si Mercado sa gobyerno at sinabi sa komite na hindi niya binuksan ang mga envelope para alamin ang niallaman nito. Gayunpaman kada envelope ay may nakasaad na halaga.


Paulit-ulit niyang sinabi sa mga tanong ng mga mambabatas na hindi siya kumportable sa pagtanggap ng mga envelop mula sa bise presidente na siya ring pinuno ng DepEd.


Nausisa ni Batangas 2nd district Rep. Gerville "Jinky Bitrics" Luistro si Mercado kung tingin ba niya ay iniimpluwensyahan siya lalo na dahil sa kaniyang posisyon sa departament. Tugon ni Mercado, “It could be." 


Nito na lamang nang siya ay magretiro nagkalakas ng loob si Mercado, kasama mga pinagkakatiwalaang kaibigan, na buksan ang naturang mga envelope at idonate ito sa isang. Tinago naman ng dating undersecretary ang naturang envelopes.


Sa pagdinig nitong Miyerkules, nagdesisyon si Mercado na ibigay sa komite ang naturang mga envelope, matapos ipagbigay alam sa kaniya ni Deputy Majority Leader Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na tinawag siya ni Vice President Duterte bilang "disgruntled former employee" at inakusahan na nangikil ng milyong piso nang hindi niya alam.


"It's very sad," wika ni Mercado habang nilalabas ang maliit na lagayan mula sa kaniyang bag.


"I don't want to do this, but since siya na yung nagsabi, i-turn over ko na yung envelopes. The envelopes were where the money was. So it's nine envelopes. It says HoPE, and the amount is there," dagdag pa ni Mercado. (END)