RPPt Speaker Romualdez pangungunahan pinakamalaking BPSF bukas
Pangungunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagsasagawa ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (PBSF) sa Eastern Visayas bukas, Agosto 2 dala ang mahigit P1.2 bilyong halaga ng serbisyo at cash assistance para sa mga residente sa rehiyon.
Ito ang sinabi ni House Deputy Secretary-General at lider ng BPSF National Secretariat na si Sofonias Gabonada, Jr. at Tingog Partylist Rep. Jude Acidre sa isang press conference na ginanap nitong Huwebes sa Guest House ng Leyte Normal University sa Tacloban City.
Ayon kay DSG Gabonada, mahigit P1.2 bilyong halaga ng serbisyo ang dala para sa ika-21 yugto ng BPSF kung saan mahigit P800 milyon ang cash assistance.
“Nandito ang mga congressman, 241 House members who will be visiting tomorrow to witness the Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at gusto nilang makita na yung inilaan nilang pondo sa mga ahensya ng gobyerno at mga program nito ay naparating talaga sa mga tao,” ani Gabonada.
Ayon kay Rep. Acidre ang pagdalo ng maraming kinatawan sa service caravan ay isang pagpapakita ng suporta ng mga miyembro ng Kamara sa inisyatiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na makapagdala ng positibong pagbabago hindi lamang sa Leyte at Eastern Visayas kundi sa buong bansa.
“Consistent po ang ating Speaker (Romualdez) at ang ating Presidente Marcos na ilapit ang serbisyo sa taong bayan. So let’s take advantage of it,” ani Rep. Acidre.
Ayon kay Gabonada ito ang unang pagkakataon na isasagawa ng regionwide ang BPSF. Pangungunahan ni Speaker Romualdez ang pagbubukas ng service caravan sa Tacloban City na sasabayan ng mga mas malilit na BPSF sa ibang panig ng Eastern Visayas.
Sinabi rin nito na kung gagawing regionwide ang paghahatid ng tulong ay kakayanin na matapos ang lahat ng 82 probinsya.
“If successful, we would replicate it (in other areas of the country),” sabi ni Gabonada. Ang Leyte ay isa sa apat na probinsya kung saan sabay-sabay na inilungsad ang BPSF noong nakaraang taon.
Samantala, nagpahayag ng paniniwala si Rep. Acidre na hindi maaapektuhan ng pagdaraos ng BPSF ang deliberasyon ng panukalang P6.352 trilyong badyet para sa susunod na taon. Ipinunto ng kongresista na ang BPSF at kadalasan na isinasagawa sa huling bahagi ng linggo kung kailan walang sesyon o mga pagdinig.
Ayon kay Rep. Acidre ang pagdalo sa BPSF ay makapagbibigay ng makabuluhang pananaw sa mga kongresista kaugnay ng kahalagahan ng programa at ng pagpapatuloy nito upang mas maraming matulungan.
“With the momentum established by President Marcos and Speaker Romualdez, talagang kailangan doble kayod kami. Siguro kung ganyan kasipag ang Speaker, we (lawmakers) can do nothing less,” sabi nito.
Si Speaker Romualdez ay isa sa mga nasa likod ng BPSF na naglalayong mailapit ang serbisyo ng gobyerno sa publiko, na isa sa mga ipinangako ni Pangulong Marcos noong kampanya. (END)