Wednesday, August 21, 2024

 RPPt Pag-angat ng credit rating ng Pilipinas patunay na tamang direksyon ng PBBM admin — Speaker Romualdez



Ang A-credit rating na nakuha ng Pilipinas mula sa Japan-based Rating and Information Inc. ay nagsisilbi umanong inspirasyon upang ipagpatuloy ang pagtatrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino.


Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, ang pag-angat ng credit rating ng Pilipinas ay patunay na tama ang polisiya at direksyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagpapa-unlad ng bansa.


Ikinatuwa ni Pangulong Marcos ang A-rating na nakuha ng Pilipinas na siyang pinakamataas na nakuha nito sa Rating and Information Inc. Noong nakaraang taon ang rating ng Pilipinas ay BBB+.


Nangako si Speaker Romualdez na ipagpapatuloy ng Kamara de Representantes ang pagsuporta sa economic at prosperity agenda ng administrasyong Marcos sa pamamagitan ng pagpasa ng mga panukalang batas na kailangan nito.


Ang paglabas ng ulat kaugnay ng pag-angat ng credit rating ng bansa ay sumunod sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na lumago ng 6.3 porsyento ang ekonomiya ng bansa noong ikalawang quarter ng 2024.


Sinabi ni Speaker Romualdez na ang naitalang paglago ay pasok sa forecast ng mga multilateral lending institution na lalago ang ekonomiya ng bansa sa pagitan ng 5.9 porsiyento at 6.2 porsiyento.


“I am confident that we can attain these numbers. Pero gaya ng sinabi ko na, dapat maramdaman ng ating mga kababayan ang paglago ng ating ekonomiya sa pamamagitan ng tulong at malaking pondo para sa edukasyon, kalusugan, sa kanilang mga pangangailangan, at iba pang assistance,” ani Speaker Romualdez.


Ayon sa lider ng Kamara, na mayroong mahigit 300 kinatawan, na ang pagtaas ng credit rating ay nangangahulugan na mas maliit ang interes na ipinapataw sa utang ng bansa kaya mas lalaki ang maaaring gastusin sa mga bagay na makatutulong sa mga Pilipino.


“The money we can save in the national budget for interest payments we can use for more financial assistance to our people. Isang paraan ‘yan para maramdaman nila ang economic growth,” dagdag pa ni Speaker Romualdez. (END)