RPPt Mga sabit sa operasyon ng iligal na POGO sabit din sa bentahan ng iligal na droga
Nadiskubre sa joint investigation ng House Committees on Public Order and Safety at on Games and Amusements na magkaka-ugnay ang mga personalidad na may kinalaman sa operasyon ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) at bentahan ng iligal na droga.
Sa pagdinig noong Miyerkules, ipinakita ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez ang isang matrix na nag-uugnay sa mga Chinese national, kasama ang negosyante at dating presidential adviser na si Michael Yang, sa operasyon ng iligal na POGO at bentahan ng iligal na droga.
Si Yang ay dating adviser ni dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte, na tumangging dumallo sa pagding ng Kamara kaugnay ng P3.6 bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon.
“It’s not only the criminal activities of POGOs and the corporations established by Chinese nationals, but also drugs are involved,” sabi ni Fernandez.
Iniimbestigahan ni Fernandez at ng Committee on Games and Amusements na pinamumunuan ni Cavite 6th District Rep. Antonio Ferrer ang mga krimen na may kaugnayan sa iligal na operasyon ng POGO.
Sinimulan ni Fernandez ang kanyang presentasyon sa naging imbestigasyon ng House Committee on Dangerous Drugs na pinamumunuan ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers na nag-ugat sa House Resolution (HR) No. 1346 na nagpapatawag ng imbestigasyon kaugnay ng nakumpiskang P3.6 bilyong shabu sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga.
Gayundin ang imbestigasyon ng Committee on Public Accounts na pinamumunuan ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Stephen Paduano kaugnay naman ng iregularidad sa pagbili ng lupa kung saan itinayo ang warehouse. Nadawit dito sina dating Mexico Mayor Teddy Tumang at Mayor Abundio Punsalan Jr. ng San Simon, parehong bayan sa Pampanga.
Lumabas na imbestigasyon na hekta-hektaryang lupa ang binili ng mga kompanya na pagmamay-ari ng mga Chinese nationals na nagpanggap na mga Pilipino.
Natukoy sa matrix ni Fernandez si Aedy Yang, isang incorporator ng 999 Realty Inc., na may-ari ng warehouse kung saan narekober ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.
Ayon kay Fernandez, ang mga pasaporte ni Aedy at iba pang incorporator ng Empire 999 na sina Willie Ong at Jack Yang ay binawi na.
Si Aedy ay incorporator din umano ng Golden Sun 999 Realty & Development Corp., kasama sina Rose Nono Lin, na misis ni Alan Lim. Sila ay iniuugnay din sa Full Win Group of Companies, kung saan chairman si Michael Yang, na sinasabing financier ng Pharmally.
Ang Pharmally ay nasabit sa kontrobersya ng umano’y overprice na pagbili ng nakaraang administrasyon ng medical supplies noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Fernandez kasama sa mga incorporator ng Pharmally sina Lincoln Uy Ong at Gerald Cruz, na shareholder naman ng Brickhartz Technologies, na isang support provider ng Xionwei Technologies, isang POGO firm na pagmamay-ari ni Weixiong Lin, na kilala rin bilang Alan Lim, na nadawit sa isang shabu raid sa Cavite noong 2003.
Sinabi ni Fernandez na ang kapatid ni Michael Yang na si Hong Jiang Yang, ay isang incorporator ng Paili State Group Corporation, kasama si Rose Nono Lin at Hong Ming Yang, na pinaniniwalaang isa sa mga alyas ni Michael Yang.
Tinukoy din ni Fernandez ang natuklasan ng Anti-Money Laundering Council na ang kontrobersyal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo ay mayroong 36 bank accounts at ang mga transaksyon nito ay umabot sa P29 bilyon.
Ipunto ng solon na nauna ng natukoy na si Hong Jiang Yang, ang kapatid ni Michael Yang, ay mayroong transaksyon kay Guo na may kabuuang halagang P3.3 bilyon.m Hindi pa malinaw kung para saan ang mga transaksyong ito.
Kinuwestyon ni Fernandez ang relasyon ng mga natukoy na indibidwal sa operasyon ng POGO at ang pangangailangan na malaman ang katotohanan dito.
Ayon kay Fernandez ang pagkaksangkot ng iba pang indibidwal gaya ni Wesley Guo at Cassandra Li Ong, na iniuugnay sa alkalde ng Bamban ay iniimbestigahan pa.
"[The] instruction [to us] is to ferret out the truth and find out this linkage of the involvement of drugs," giit ni Fernandez.
Sinabi pa ng solon na nagtutulong-tulong ang chairperson ng iba’t ibang komite gaya nina Barbers, Paduano, Ferrer, Antipolo City Rep. Romeo Acop at Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng Committee on Human Rights, ay naglalayon na malaman ang katotohanan.
“Come to think of it, P29 billion si Alice Guo pa lang ‘yan at umikot sa kanyang 36 accounts. So what more to the others?” pagtatapos ni Fernandez. (END)