RPPt Mga lider ng Kamara bukas sa paggamit ng ICC sa resulta ng EJK probe
Walang nakikitang problema ang ilang lider ng Kamara de Representantes kung gagamitin ng mga imbestigador ng International Criminal Court (ICC) ang mga ebidensya sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Human Rights kaugnay ng extra judicial killings (EJKs) sa implementasyon ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa isang press conference nitong Miyerkoles, ipinunto nina Deputy Speaker David “Jay-jay” Suarez ng Quezon, Assistant Majority Leader Ernesto “Ernix” Dionisio Jr. ng Maynila, at House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers ng Surigao del Norte na bukas sa publiko ang pagdinig ng Human Rights committee.
Kapwa sumang-ayon ang tatlong lider ng Kamara sa naunang pahayag ni Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na ang magiging resulta ng pagsisiyasat ng komite ay maaaring gamiting ebidensya ng mga imbestigador ng ICC kaugnay ng kasong isinampa laban kay dating Pangulong Duterte.
Gumugulong pa ang pag-dinig ng Committee on Human Rights, na pinamumunuan ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., hinggil sa EJK na konektado sa iligal na droga noong nakaraang administrasyon.
Sinabi ni Suarez na bukas sa lahat ang resulta at impormasyon ng pagdinig kabilang ang international body gaya ng ICC.
Ang pampublikog pagdinig na ito ay layon aniyang masiyasat ang lahat ng anggulo ng isyu at mabigyang pagkakataon ang mga resource person na mailahad ang kanilang posisyon.
“I do concur with the position of Congressman Dan Fernandez that it can be used not only by the ICC, but anyone for that matter. For as long as it will seem valuable for whatever endeavor they might want to proceed with,” saad niya.
Sinabi rin ni Dionisio na bukas sa publiko ang lahat ng pagdinig ay maaaring magamit ang mga impormasyon sa iba’t ibang imbestigasyon.
“‘Yung public hearings natin regarding the EJKs, lahat documented naman ‘yan. It’s open to the public. If it’s open to the public, it’s open to ICC. And for sure pwedeng gamitin nila ‘yan as reference,” sabi niya.
Dagdag pa ni Barbers ang lahat ng may kailangan, at hindi lamang ang ICC ang gumamit sa rekord ng imbestigasyon ng Human Rights committee sa EJK.
“Again, it is a public record, and anyone can access these records. If the ICC would like to access this and probably feels that it will help them in their investigation, they can access these anytime,” wika ni Barbers
Pinuri rin ng liderato ng Kamara ang pahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra na hindi pipigilan ang mga imbestigador ng iCC kung kakausapin ng mga ito ang mga resource person na kailangan sa kanilang isinasagawang imbestigasyon.
“With respect dun po sa position ni SolGen Guevara, again, a welcome development. We respect and recognize the position of the Solicitor General on this matter,” ani Suarez
Dagdag naman ni Dionisio: “Well, ako sa akin, pagtulong sa ICC is one thing but stopping them is another. Parang hindi magandang picture ‘yung makikita kapag pinipigilan ng pamahalaan anyone who would like to inquire such information.” (END)