Thursday, August 29, 2024

 RPPt Mga biktima ng human trafficking na nailigtas sa KOJC ikinaalarma ng kongresista



Naalarma at nabahala ang isang miyembro ng “Young Guns” ng Kamara de Representantes sa nailigtas na dalawang biktima ng human trafficking sa operasyon ng pulisya sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) compound sa Davao City.


Dahil sa pangyayaring ito, sinabi ni Davao Oriental Rep. Cheeno Miguel Almario na pinagdududahan na nagkakanlong ang KOJC ng mga kriminal at posible umano na mayroon pang ibang biktima sa lugar.


“We are alarmed at the fact then when a valid warrant of arrest for Apollo Quiboloy was enforced at the KOJC compound, they found alleged victims of human trafficking. This is a clear-cut sign that there is irrefutable basis for the accusations being brought forth against him. Ibig bang sabihin nito na patuloy na nangyayari ang krimen na ibinibintang kay Mr. Quiboloy?” tanong ni Almario na nais na imbestigahan ng Kongreso ang isyu.


Dala ang warrant of arrest laban kay Quiboloy, pinasok ng mga pulis ang KOJC compound noong Agosto 24. Naglabas ng warrant of arrest ang mga korte laban kay Quiboloy kaugnay ng kinakaharap nitong paglabag sa Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.


Si Quiboloy ay nahaharap din sa kasong qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng inamyendahang Republic Act No. 9208. Ito ay isang non-bailable offense.


Hinimok ni Almario si Quiboloy at ang mga nagkakanlong sa kanya na sumuko sa otoridad at harapin ang mga kasong isinampa laban sa kanya.


“Itong sinasabing bagong trafficking victims umano, sinu-sino na ang mga kakasuhan dito? The police should quickly make the case against the two individuals’ captors, kung ito ba ay sa utos pa rin ng mga masterminds na kinasuhan na o may bagong mga utak sa likod nito,” sabi ni Almario.


“I feel for the family of the victims and the victims themselves. Mahirap mawalay sa pamilya na hindi sigurado kung makakauwi pa ang inyong mga mahal sa buhay. Kaya dapat maparusahan ang responsable sa krimeng ito. Hindi lang dapat ulo ang hinanap natin. There are accomplices in this crime, and it is the PNP’s duty to uncover all involved. Baka may mga empleyado or kaya mga management officials or administrators na may alam o kaya ay kasama sa paggawa ng mga krimeng ito? Kailangan maiging tingnan ito ng PNP,” dagdag pa ng mambabatas. (END)