Saturday, August 10, 2024

 RPPt Kamara tiniyak patuloy na imbestigasyon sa mahahalagang isyu kasabay ng pagtalakay sa 2025 badyet



Itutuloy ng mga komite ng Kamara de Representantes ang pagtalakay sa mga mahahalagang isyu gaya ng extra judicial killings (EJK) sa war on drugs campaign ng Duterte administration, at mga krimen na iniuugnay sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) kasabay ng deliberasyon sa panukalang badyet para sa 2025.


Sa isang press conference, sinabi ni House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe na hindi ihihinto ang mga mahahalagang imbestigasyon ng Kamara kahit magsimula na pagtalakay sa P6.352-trilyong pambansang badyet para sa susunod na taon.


"Kinausap ako kahapon (Lunes) ng ilang mga committee chairman natin na gumagawa ng mga hearings and they were asking guidance because usually in the previous years, we would hold all other hearings when the budget is presented to us and we would concentrate on the budget," paliwanag ni Dalipe.


Hiniling aniya ng mga pinuno ng mga komite na payagan sila na maipagpatuloy ang kani-kanilang imbestigasyon.


“Hinihingi po ng ating mga committee chairmen na payagan po sila na ipagpatuloy iyong mga committee hearings. Dati po iyong problema natin iyong committee hearing rooms. Parati po tayong nauubusan ng committee hearing rooms pero thank you, this year we have new spaces for committee hearings,” sabi pa ni Dalipe.


Ang pagdinig kaugnay sa EJK ay bahagi ng patuloy na pagsisikap na mapalabas ang katotohanan sa alegasyon ng umano’y pang-aabuso sa karapatang pantao nang ipinatupad ng administrasyong Duterte ang anti-illegal drug campaign nito.


Nais matukoy ng House Committee on Human Rights ang lawak ng mga pagpaslang at mapanagot ang mga responsable sa mga paglabag sa karapatang pantao.


Gayundin, ang pinagsamang imbestigasyon ng House Committees on Public Order and Safety at Games and Amusements hinggil sa karahasang kaugnay ng POGO, na nakatuon sa pagtugon sa dumaraming insidente ng krimen at karahasan na gawa ng mga dayuhan na nasa bansa.


Una ng nabahala ang publiko tungkol sa pagkakasangkot ng POGO sa mga ilegal na gawain gaya ng money laundering at human trafficking, na nag-udyok sa Kamara na kumilos upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mamamayan.


Sa direktiba ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez, naglaan ng karagdagang lugar, partikular sa  bagong gusali sa Batasang Pambansa Complex, para magamit ng mga komite sa kanilang mga pagdinig.


Sinabi pa ni Dalipe na inatasan na rin si Secretary General Reginald Velasco na ilaan ang iba pang mga lugar sa iba’t ibang mga komite na kasalukuyang nagsasagawa ng mga imbestigasyon.


Sa ganitong paraan, ayon kay Dalipe ay maaaring maisagawa ng sabay budget deliberation at imbestigasyon ng komite.


“We will allocate the other rooms nearer to the Plenary Hall for budget briefing or budget deliberation and we will also reserve the other new spaces for those committees which have to continue with their investigation, especially dito po iyong ongoing tungkol sa drugs, tungkol doon sa POGO at mga iba pang important issues," ayon pa sa mambabatas.


Tiwala si Dalipe na magagampanan ng maayos ng Kamara ang pagsusuri ng budget at iba pang mga tungkulin sa lehislatura sa kabila ng pagkakabahagi ng atensyon.


“I don’t see the challenge because if you observe during the Committee on Appropriations hearing, sa sobrang haba ng listahan, may mga congressman naghihintay ng tatlong oras, nakaupo lang walang ginagawa. So, it’s a matter of time management," saad pa nito.


Kinakailangan lamang aniya ang pagkakaroon ng mahusay na pamamahala sa oras para hindi masayang ang panahon ng mga kongresista, na makakapasok sa iba pang mga pagdinig ng komite at makapag-ambag sa mga imbestigasyon habang naghihintay ng kanilang pagkakataon na matawag sa pagtalakay sa badyet.


“Instead of sitting there ng three hours na magrereklamo siya, naghihintay siya sa sobrang dami ng mga congressman na gustong magtanong, eh we can also do other work with other committees and spend those time by hearing the other measures especially iyong mga investigation and they can just shuttle back and forth between the committee rooms," paliwanag pa ni Dalipe.


Sa pamamagitan nito, sinabi ni Dalipe na maabot ng Kamara ang itinakdang deadline para maipasa ang iba’t ibang panukala ng hindi nakukumpormisa ang pagpasa ng taunang badyet (END)