RPPt Kamara inaprubahan panukalang regulasyon ng motorcycles-for-hire
Sa botong 200 pabor at isang tutol, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukala na iregulate ang motorcycles-for-hire sa bansa.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez naiintindihan ng Kamara ang pangangailangan na maging ligtas ang pagbiyahe ng mga pasahero at produkto.
“The House of Representatives acknowledge that motorcycles-for-hire not just serve as an efficient alternative to mass public transportation but also a viable source of livelihood for Filipinos,” ani Speaker Romualdez.
“This bill aims to provide safe, sufficient, and economical mode of public transport by allowing and regulating the use of motorcycles as public utility vehicles,” dagdag pa nito.
Kabilang sa may-akda ng panukala sina Reps. Rachael Marguerite Del Mar, LRay Villafurte, Rodge Gutierrez, Zia Alonto Adiong, Manuel Jose Dalipe, Jurdin Jesus Romualdo, Brian Yamsuan, Rufus Rodriguez, Joel Chua, Salvador Pleyto, Romeo Acop, Midy Cua, Antonio “Tonypet” Albano, at iba pa.
Sa ilalim ng HB 10424 dapat ay rehistrado ang motorcycles-for-hire sa Land Transportation Office (LTO) upang masiguro ang roadworthiness nito.
Ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inaatasan ng panukala na mag-regulate ng operasyon ng motorcycles-for-hire kung saan walang digital platform na magagamit para sa book ng biyahe sa mga ito.
Ang bilang ng mga motorcycles-for-hire sa isang ruta ay tutukuyin sa pamamagitan ng local public transport route plan na inirekomenda ng lokal na pamahalaan.
Upang makakuha ng prangkisa o Certificate of Public Convenience, ang isang aplikante ay dapat Pilipino, mayroong pinansyal na kakayanan, LTO Certificate of Vehicle Registration, Insurance coverage at Tax Identification Number o Certificate of Registration bilang isang Common Carrier.
Nakasaad din sa panukala ang pangangailangan na magpa-rehistro ang mga Motorcycle Taxi Platform Providers (MTPPs) at Online E-commerce Platform Providers (OEPPs) sa Securities and Exchange Commission at sa itatakdang requirement upang ma-accredit.
Ang bilis ng isang motorcycles-for-hire ay ililimita sa 60 kilometro bawat oras.
Ang LTFRB din ang inatasan na magtakda ng pamasahe, surcharges, at iba pang transportation fee na maaaring singilin ng operator, OEPP, o MTPP. (END)