Wednesday, August 21, 2024

 RPPt Impeachment vs VP Sara hindi maaninag sa bolang kristal


Ibinasura ng mga lider ng Young Guns ng Kamara de Representantes na mayroong nilulutong impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.


Kasabay nito ay hinimok ng mga kongresista na ituon ang atensyon sa constructive leadership sa halip na espekulasyon ang atupagin.


Ang espekulasyon ay mula sa social media post ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque na nagpapahiwatig na isang impeachment ang posibleng niluluto laban sa Ikalawang Pangulo.


Agad na ibinasura ni Assistant Majority Leader at La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V ang espekulasyon.


“Ako kasi dalawa ‘yung crystal balls ko, pero parang wala naman po akong nakikita na ganun,” sabi ni Ortega bilang tugon sa isang tanong sa isinagawang press conference. “Tiningnan ko ‘yung left, tiningnan ko ‘yung right, pero wala naman po. We’re sticking to the facts, of course, we’re sticking to the issues in the House of Representatives, at wala naman pong ganyan na napag-uusapan.”


Ganito rin ang sinabi ni Assistant Majority Leader at Ako Bicol Partylist Rep. Jil Bongalon.


Sinabi naman ni Bongalon na hindi na nakakagulat kung mayroong maghain ng impeachment case laban kay VP Duterte.


“Hindi naman po kataka-taka, at hindi na po tayo mabibigla kung may mga ibang grupo or ibang indibidwal [na mag-file],” ani Bongalon na kasama ni Ortega sa press conference.


Ayon kay Bongalon hindi rin imposible na ipinoposisyon ni VP Duterte ang kanyang sarili bilang bagong mukha ng oposisyon.


Nilinaw naman ni Bongalon na ang pagtuligsa sa gobyerno ay hindi ipinagbabawal pero mas maganda kung magbibigay ng solusyon sa mga problema ng bansa.


“May narinig ba tayo na solusyon na kanya pong ginawa patungkol sa mababang ranking ng atin pong mga estudyante based on the latest PISA ranking?” tanong ni Bongalon na ang pinatutungkulan ay ang mababang ranking ng bansa sa Programme for International Student Assessment noong si Duterte pa ang kalihim ng DepEd.


Ayon kay Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Rep. Zia Alonto Adiong hindi maganda na puro kritisismo lang kundi dapat mayroon ding ipakitang solusyon.


"Mas maganda kung constructive yung criticism mo. Lahat naman tayo, we are working in the same government, working for the same constituency—mga Filipino. So ultimately, whatever we propose, whatever we think is good for the country, the benefits and advantages will definitely be felt by the people,” saad ni Adiong na kasama rin sa press conference.


“We hope she can provide us ng alternative solutions if she has one,” dagdag pa ni Adiong. (END)