Thursday, August 08, 2024

RPPt House quad committee target ang mga sindikatong konektado sa POGO at ilegal na droga


Pangunahing misyon ng binuong quad committee ng Kamara de Representantes na makabuo ng isang panukalang batas upang mapangot ang mga nasa likod ng makapangyarihang sindikato na konektado sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at kalakalan ng iligal na droga sa bansa.


Sisimulan ng quad committee, na binubuo ng House Committee on Dangerous Drugs, Public Order and Safety, Human Rights, at Public Accounts ang imbestigasyon sa Agosto 15.


Ayon kay Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng dangerous drugs panel, makasaysayan ang binuong komite dahil ngayon lamang nagkaroon ng apat na komite na pinagsama-sama sa pagsasagawa ng imbestigasyon.


Sinabi ni Barbers na gamit ang drug money ay nagbabayad ang mga “criminal organization” na nag-ooperate sa bansa sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan upang makakuha ng mga pekeng dokumento upang magpanggap na mga Pilipino.


Aniya, ang mga kriminal na ito ay bumibili ng mga ari-arian o lupain, at nagtatayo ng mga lehitimong negosyo tulad ng POGO upang pagtakpan ang kanilang iligal na gawain.


“Sa aming teorya naniniwala kami, because the four committees that have been conducting all these hearings, mayroon pong overlapping and commonalities in the issues that we are tackling,” ayon sa pahayag ni Barbers sa ginanap na pulong balitaan.


Kasama ni Barbers sa quad committee sina Rep.  Dan Fernandez ng Santa Rosa City (Public Order and Safety), Bienvenido “Benny” Abante Jr. ng ikaanim na distrito ng Maynila(Human Rights), at Joseph Stephen “Caraps” Paduano ng Abang Lingkod Party-list (Public Accounts)—gayundin si Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, na miyembro ng apat na komite na bumubuo sa quad committee.


Ang komite ni Barbers ay nagsasagawa ng imbestigasyon tungkol sa P3.6-bilyong halaga ng shabu na nasamsam sa Mexico, Pampanga noong nakaraang taon, at natuklasan ang posibleng pagkakasangkot ng negosyante at dating presidential adviser na si Michael Yang sa ilegal na kalakalan ng droga.


Si Yang, na dating adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay konektado sa Empire 999 Realty Corp., ang may-ari ng warehouse kung saan nasamsam ang P3.6 bilyong halaga ng shabu.


Ang inisyal na imbestigasyon ay humantong sa karagdagang pagsisiyasat ng komite ni Paduano sa mga ari-arian na nakuha ng mga Chinese sa tulong ng lokal na pamahalaan, kung saan lumutang ang pangalan ni dating Mexico Mayor Teddy Tumang at San Simon Mayor Abundio Punsalan Jr. ng Pampanga.


Natuklasan din sa mga imbestigasyon na hekta-hektarya ng lupa ang binibili ng mga korporasyon na pawang mga Chinese national ang incorporators.


Ang komite naman ni Abante ay nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga extrajudicial killings na konektado sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte, na naglalayong tugunan ang mga paglabag sa karapatang pantao upang matulungan na mabigyan ng hustisya ang mga biktima.


Nauna ng ipinakita ni Fernandez sa pagdinig ang detalyadong matrix na naglalantad ng kumplikadong network ng mga Chinese nationals na sangkot sa ilegal na POGOs at drug trafficking.


Ang pagbuo ng komite ay kasunod ng ginawang ocular inspection nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ilang mambabatas, kasama ang apat na chairpersons, sa mga Chinese-operated POGO hubs sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga, pati na rin sa warehouse kung saan narekober ang P3.6 bilyong halaga ng shabu sa bayan ng Mexico.


Tiniyak naman ni Barbers na ang quad committee ay maglalabas ng isang ulat na nagmumungkahi ng mga remedial legislation at pagpapanagot sa mga responsable sa iligal na gawain.


“We will recommend prosecution against people in government that are involved in this shenanigan and of course ‘yung remedial legislation

na magiging bunga nito,” ayon kay Barbers.


“Ang objective dito kasi isang malaking criminal organization ang aming teorya na nag-o-operate sa ating bansa and because of that, we will have to

come up with a legislation to ensure that this will not happen anymore kung meron tayong batas,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Mindanao.(END)