RPPt Barbers: ICC malaya gamitin rekord ng public hearing sa Duterte drug war
Malaya ang International Criminal Court (ICC) na gamitin sa isinasagawang imbestigasyon nito ang mga impormasyon mula sa pagdinig ng mga komite ng Kamara de Representantes kaugnay ng war on drugs campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinunto ni Surigao del Norte 2nd District Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na pampubliko ang rekord ng mga pagdinig na naka-live stream din sa mga social media platform.
“Records of such hearings would be out in the public. Anyone can use the transcript or maybe even records of the hearings,” ani Barbers sa isang press conference para sa apat na komite na sama-samang magsasagawa ng pagdinig kaugany ng mga isyu ng iligal na aktibidad sa POGO, bentahan ng ipinagbabawal na gamot, at mga paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng Duterte drug war.
“As to how they are going to use it, hindi namin sakop iyon. If the ICC would want to use this, it’s up to them kasi nga public record na ito. Kung makakatulong sa kanila o hindi, it is up to them,” dagdag pa ni Barbers.
Pero para sa chairperson ng House Committee on Human Rights na si Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante hindi dapat gamitin ng ICC ang mga ebidensya na nakuha ng kanyang komite sa pagsasagawa nito ng imbestigasyon sa drug-related extrajudicial killings noong nakalipas na administrasyon.
Mas nais umano ni Abante na resolbahin ang isyu dito sa bansa at hindi sa ICC.
“Our President has made it clear that we do not recognize the ICC in the Philippines right now. So it’s up to them to investigate, but I’m not going to allow the Committee on Human Rights to be used by the ICC for their own investigation,” saad ni Abante.
Batay sa mga ulat, nangangalap ngayon ng ebidensya ang ICC kaugnay ng kinakaharap na crimes against humanity na inihain kay Duterte.
Sa datos ng pamahalaan mayroong 6,200 na drug suspect ang nasawi sa anti-narcotics operations mula Hunyo 2016 hanggang noong Nobyembre 2021, na bahagi ng termino ni Duterte. (END)